P8.62-M DROGA ‘DI NAKALUSOT

TIMBOG sa mahigpit na pagbabantay ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang P8.62-milyong halaga ng party drugs na inangkat pa mula sa mga bansang Netherlands, Germany at Malaysia.

Sa ulat ng kawanihan, ikinubli ang mga nakumpiskang ecstasy and ketamine (droga para sa mga kabayong pangkarera) sa mga bagaheng idi­neklara bilang laruang pambata, bag na pang-eskwela, mga termos, sapatos pambata, sombrero, mga pangkulay sa eskwela.

Batay sa mga dokumentong kalakip ng mga nasabing bagahe, magkakahiwalay na nasabat ng mga operatiba ang mga drogang nakapangalan kina Angeli Khan, Patricia Reyes at Ferdie Santos sa Central Mail Exchange Center at FedEx warehouse na kapwa nasa lungsod ng Pasay.

Sa imbentaryong pinangasiwaan ng BOC-Port of NAIA at PDEA lumalabas na 4,547 tabletas ng ecstasy ang nasilat sa dalawang bagahe, samantalang tumimbang naman ng 178.5 gramo ang nasabat na ketamine.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng PDEA sa mga nasangkot na pangalan sa mga nasabing kargamento sa hangaring pagsasampa ng kaukulang asuntong paglabag sa Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act) at iba pang kasong kriminal.

159

Related posts

Leave a Comment