RIZAL – Kalaboso ang dalawang police trainee na tumakas sa barracks makaraang ireklamo ng 23-anyos na dalaga na ginahasa umano ng mga ito sa isang motel sa bayan ng Montalban noong Miyerkoles.
Kinilala ni P/Col. Marcelino Pipo Jr., hepe ng pulisya, ang mga inaresto na sina Jack Marquez at AJ Magsino, kapwa police trainee sa Rodriguez (Montalban) PNP.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, Nobyembre 2 ng madaling araw, off duty ang mga suspek nang tumakas mula sa kanilang barracks.
Nakipag-inuman umano ang mga ito sa biktima at nang malasing ay dinala sa kalapit na motel at doon ginahasa ng mga suspek.
Agad namang nagreklamo ang biktima sa sa himpilan ng pulisya na ikinadakip ng mga suspek.
Nabatid pa kay Pipo, bukod sa kasong kriminal, sinampahan din ang mga ito ng administratibo para ma-terminate bilang police trainee sa Regional Training Center ng PRO-4A.
Sinabi ng opisyal, hindi rin ligtas sa kaso ang tatlong tauhan ng PNP na nakatalaga bilang bantay ng mga trainee.
Habang under restrictive custody naman ang 10 pang police trainee na kasama ng mga suspek sa barracks.
Samantala, iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar na sibakin na sa police field training program ang dalawang nagnanais maging pulis na inakusahan ng panggagahasa.
“Nakakulong na ang dalawang police trainees na inakusahan ng rape at sa ngayon ay nahaharap sa kasong administratibo at kriminal.
Ito ay patunay lamang na normal na ang mabilis na aksyon ng PNP sa pagtugon sa mga reklamo sa aming hanay dahil ito naman ang ating ipinangako sa ating mga kababayan,” wika ni P/Gen. Eleazar.
“Ipinag-utos ko na agad alisin sa field training program ang dalawang police trainees. Seryoso ang bintang laban sa dalawang ito kaya’t inatasan na natin ang Rizal Police Provincial Office na masusing imbestigahan ang kaso,” dagdag pa niya. (KNOTS ALFORTE/JESSE KABEL)
277 