HINDI PINOY ANG TAX EVADERS

KUNG pagbabasehan ang hearing ng Senado sa Pharmally Pharmaceutical Corporation, hindi ang mga Filipino ang tax evaders kundi ang mga dayuhan na nagnenegosyo sa ating bayan.

Matagal na ­nating ­naririnig na ang ­maraming dayuhang nagnenegosyo sa ating bansa ang hindi talaga nagbabayad ng buwis at kung nagbabayad man ay dinadaya ang gobyerno.

Mantakin mo, mas malaki pa ang ibinabayad ng isang ordinaryong manggagawa na income tax sa gobyerno kaysa mga opisyales ng Pharmally gayung limpak-limpak ang kanilang kinita sa negosyong ibinigay sa kanila ng Procurement Service ng Department of Budget and Management.

Isang halimbawa d’yan ang lumabas sa hearing ng Senado kay Twinkle Dargani na mayroong milyon-milyong halaga ng kotse ay P1,000 lang ang kanyang binayarang buwis.

Ang isang manggagawa na lagpas sa minimum wage ang kanilang sahod, otomatikong kina­kaltasan ng income tax bago nila matanggap ang kani­lang sahod buwan-buwan.

Ang bawat pamilyang Filipino na may property kahit papaano ay nagbabayad ng kung ano-anong buwis sa kanilang ari-arian taon-taon at hindi biro ang halagang ibinabayad nila.

Kahit ang mga ordinaryong negosyanteng Pinoy ay napakaraming binabayarang buwis kaya inoobliga sila na mag-isyu ng resibo dahil doon ibabase ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kung magkano ang kanilang ibabayad na buwis.

Tapos maririnig natin na ‘yung mga dayuhan tulad ni Michael Yang na sinabi ng mga kaalyado niya sa kapangyarihan ay bilyonaryo, ay napakaliit ang ibinabayad na buwis sa gobyerno natin?

‘Yung mga Chinese national na nag-supply ng face mask at face shield sa Pharmally na ibinenta naman sa ­gob­yerno ay hindi nagbayad ng tamang buwis at saka lang inamyendahan ang kanilang income tax return nang mabuko sa Senate hearing na kulang ang ibinayad nilang buwis.

Ang workers ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na pawang mga Chinese national ay sinasabing hindi nagbabayad ng income tax gayung ang suweldo nila ay hindi bababa ng P60,000 kada buwan.

‘Yung mismong Philippine Offshore Gaming Operators, ‘di ba ay sina­sabi ng Kongreso na hindi nagbabayad ng tamang buwis kaya gumawa ang mga mambabatas ng batas para sila ang pagbayarin ng tamang buwis kasama ang kanilang mga empleyado.

Masakit sa isang Filipino na walang lusot sa pagbabayad ng buwis pero may mga dayuhan ang hindi nagbabayad ng kanilang obligasyon sa gobyerno at kung magbayad man ay nandadaya pa.

Kailangang kumilos ang gobyerno at masi­ngil ang lahat ng mga dayuhan na naghahanap­buhay sa Pilipinas. Kung pinagbabayad nila ang mga Filipino sa ayaw at sa gusto nila ng tamang buwis, nararapat din na ganito ang gawin sa mga dayuhan.

Nakikinabang din ang mga dayuhang ito sa mga programa ng gobyerno at marami sa kanila ang dito yumayaman kaya ­nararapat lamang na masingil sila ng tamang buwis.

Kung mahigpit ang gobyerno sa paniningil sa buwis sa mga Filipino dapat mas mahigpit sila sa mga dayuhan, may koneksyon man sila sa nasa kapangyarihan o wala!

204

Related posts

Leave a Comment