APRUBADO na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pag-caroling sa lungsod.
Gayunman, sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko” Domagoso, hindi niya hinihikayat ang publiko na mangaroling lalo na ang mga bata dahil posibleng maging super spreader ito at ikinokonsiderang high risk individual ang mga bata na posibleng mahawaan ng COVID-19
“Sa mga magulang, alam ko, gusto n’yo nang maiba ang environment ng mga anak ninyo, ang pakiusap ko, hindi ko naman ipagbabawal pero hangga’t maaari, ‘wag n’yo muna payagan,” pahayag ng alkalde.
“I want the spirit of Christmas to be the symbol of hope sa mga tao kasi ‘yun ang kinakapitan natin ngayon but at the same time, pwede nating gawin na tayo ay maging responsableng magulang,” aniya pa.
Umapela rin ito sa mga residente na maging responsable sa paglabas sa kanilang bahay makaraang alisin na ang curfew hours, at patuloy na sundin ang basic health protocols.
Kasabay nito, patuloy na nananawagan ang alkalde sa mga magulang o guardians na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Ang pagbabakuna sa mga kabataang nasa edad 12-17 ay patuloy na isinasagawa sa anim na ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan at sa apat na shopping malls. (RENE CRISOSTOMO)
523 