SUPORTADO ng Department of Health (DOH) na gawing mandatory o sapilitan ang pagbabakuna kontra sa COVID-19 bilang ‘last resort’ o huling pamamaraan para maabot ng bansa ang herd immunity.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mandatory vaccination ay dapat pairalin lamang sa mga sektor na may banta sa kalusugan at dapat may batas rin na maipasa para rito.
“Pero ito, last resort naman ito ng government dahil gusto na po nating ma-achieve ‘yung proteksyon ng populasyon,” ayon kay Vergeire.
Ikinatwiran niya na may awtoridad pa rin ang pamahalaan dahil hindi nila nakikita na maaabot ang proteksyon sa populasyon kung malaking parte nito ang hindi magpapabakuna.
Tugon ito ng DOH sa panukala ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na gawing mandatory ang pagbabakuna.
Ngunit iginiit ni Vergeire na kung isasagawa man ito at magkakaroon ng batas, kailangan pa rin na may sapat na konsultasyon sa lahat ng sektor ng bansa.
Sa kasalukuyan, nasa 28.7 milyong Pilipino pa lamang ang ganap na bakunado habang nasa 33.7 milyon ang nakatanggap ng unang dose pa lamang ng bakuna. (RENE CRISOSTOMO)
161 