CONCEPCION: BIGYAN NG TSANSA ANG MGA BALIKBAYAN NA MAKAUWI NGAYONG PASKO

Makikita sa datos mula sa Philippine Airlines na ang positivity rate sa mga papasok na pasahero mula Estados Unidos ay napakababa sa 0.3 porsiyento lang, na katumbas lang ng 0.6 pasahero sa average na 200 pasahero bawat flight. Kahit sa punong 777 flight na may 377 pasahero, ito’y katumbas lang ng 1.13 pasaherong nahawa bawat flight.

Sapat nang dahilan ito para bigyan ang mga balikbayan ng tsansang makauwi sa bansa ngayong Pasko, ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion.

Ginawa ni Concepcion ang apela sa pambansang pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagpapabawal sa mga biyahero mula North America, na tahanan ng maraming Pinoy OFWs, immigrants at kanilang mga pamilya.

Hindi kabilang ang US at Canada sa mga bansang nasa Green list ng Pilipinas, kaya kailangang sumailalim ng mga biyahero galing sa mga bansang ito na magpa-COVID test matapos ang limang araw sa isang quarantine facility. Ang panahon sa quarantine ay sinasabing pangunahing dahilan kung bakit karamihan sa mga biyahero mula North America ay pinagpapaliban ang pagbiyahe sa Pilipinas ngayong kapaskuhan.

Ipinanukala ni Concepcion na ang mga biyahero mula North America ay masuri na bago sumakay at muling sumailalim sa testing sa bahay o sa isang quarantine hotel pagdating sa Pilipinas. Ang panukalang sistema ay mangangailangan ng kumpirmadong schedule mula sa mga pasahero.

“Testing before departure and testing upon arrival with no quarantine required will be beneficial for a lot of balikbayans wanting to see their families. They can do testing at their homes if within NCR or in a facility for one day if they are from other places,” wika ni Concepcion, sa pagsasabing “magbibigay ito ng kapayapaan ng isip sa mga magbabalik na Pilipino at kanilang mga bahay sa buhay. Ang paghihintay sa negatibong test result ay maliit na bagay kumpara sa kasiguruhang ito.”

Samantala, batay sa risk assessment na isinagawa ni Fr. Nick Austriaco ng OCTA Research sa dagdag na COVID cases sa bansa noong Oktubre, nakita na mayroon lang 0.9 porsiyentong positivity rate, batay sa buwanang average na 6,000 swabs na isinagawa sa inbound passengers, katumbas ng 54 kaso kada buwan o 1.8 kaso bawat araw, na mas mababa kumpara sa lokal na hawaan ng virus.

Napansin din ng OCTA Research na mula sa lokal na hawaan ang halos lahat ng bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ngayon, at dahil walang lumilitaw na bagong variants mula sa Delta, maaari itong gamiting batay sa pag-aaral ng banta sa pagtanggap ng biyahero mula North America.

Nabakunahan na ng National Capital Region ang mahigit 85 porsiyento ng target population nito, at ang bilang ng bagong kaso ay bumagsak sa average na 600 kaso kada araw, ayon sa OCTA Research. Ang totoo, bumagsak ang tinatawag na key indicators sa antas na hindi pa nakita bago natukoy ang Delta variant sa bansa. Ang average na average daily attack rate (ADAR) sa NCR ay bumagsak din sa 4.45 kada 100,000 indibidwal at ang reproduction rate ay bumagsak sa 0.43 sa NCR.

“The increased vaccination rates and the dip in new COVID-19 cases should be reason enough for the IATF to consider easing restrictions on travelers coming from North America,” wika ni Concepcion. “Our kababayans want to come back and reunite with their loved ones.”

Samantala, patuloy namang bumababa ang bilang ng kaso ng COVID sa US, habang bumagsak din ang mga nao-ospital at namamatay.

Sa forum na ginawa ng Go Negosyo noong nakaraang buwan, ibinahagi ni US Ambassador Jose Romualdez na 90 porsiyento ng mga Pilipino na nakabase sa US ay nabakunahan na at marami nang sabik bumalik sa Pilipinas nguniy nag-aalala sa quarantine protocols na ipinatutupad sa mga bansang hindi kabilang sa Green countries gaya ng US.

Ayon kay Concepcion, ang pagpapaluwag ng panuntunan sa pagbiyahe para sa North America ay magpapalakas ng aktibidad ng ekonomiya sa ikaapat na bahagi ng taon, lalo na kung isasama ang mga biyahero mula sa ibang bansa sa panukalang mas pinagaan na panuntunan sa pagbiyahe.

“Many MSMEs are counting on the increased holiday and pre-election spending to help them recover from the losses during the pandemic. They will be able to pay back their loans and earn enough to provide for their workers’ 13th month pay. There are many things that depend on letting our kababayans come home this Christmas,” wika pa niya.

214

Related posts

Leave a Comment