LAGUNA – Tinatayang umabot sa P1.3 milyong cash ang natangay ng mga holdaper sa maglola na sakay ng kanilang motorsiklo habang pauwi sa kanilang bahay sa Barangay San Jose, San Pablo City sa lalawigang ito, noong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang mga biktimang sina Lina Arrogancia Garcia at Princess Queenie, isang menor de edad.
Batay sa report ng San Pablo City police, tinatahak ng maglola ang barangay road na magkaangkas sa motorsiklo ngunit pagsapit sa lugar nang sumemplang dahil sa nakaharang na lubid sa kalsada.
Bunsod nito, nahulog mula sa motorsiklo ang dalawang biktima. Kasunod nito ay inatake ng dalawang suspek ang mga biktima. Pinagpapalo ng kahoy sa ulo ang lola habang binugbog din ang dalagita.
Pagkaraan ay inagaw ang kanilang bag na naglalaman ng P1.3 milyong cash at mabilis na tumakas.
Nakahingi naman ng tulong ang dalagita at naisugod sa ospital ang lola na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon sa ICU ng SPC Medical Hospital sa San Pablo City.
Narekober sa crime scene ang dalawang piraso ng kahoy na may bahid ng dugo at isang caliber .38 revolver na baril.
Inaalam pa ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek. (NILOU DEL CARMEN)
260
