LUCENA CITY — Paspasan ang ginawang pag-apruba ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon sa nakabinbing 2021 Annual Budget kahit apat lamang ang dumalong miyembro nito sa isang special session noong Sabado.
Sa pagpupursige ni Bokal Donaldo “Jet” Suarez na anak ni Quezon Governor Danilo Suarez, ipinasa ng Konseho ang 2021 revised provincial annual budget na P4,157,830,020.
Una rito, binuo ng konseho kasama si Vice-Governor Samuel Nantes ang kapulungan bilang committee-as-a-whole noong umaga ng Sabado at makatanghali ay isinagawa ang special session.
Bukod kay Suarez, dumalo rin ang tatlo niyang kaalyado sa Minority Bloc na sina Bokal Alona Obispo, Yna Liwanag at Rhodora Tan.
Kaagad idinaos ng mga ito ang marathon committee hearing at special session matapos na ang walong Bokal na bumubuo ng Majority Bloc ay pinatawan ng 60-day suspension noong Nov. 11, ng Department of Interior and Local Government (DILG) base sa kautusan ng Office of the President kaugnay ng demandang abuse of authority, oppression at grave misconduct.
Ang ika-13 Bokal na si Reynan Arrogancia na kabilang din sa majority bloc ngunit di nakasama sa suspension ay hindi dumalo sa nasabing committee hearing at special session kung saan ipinasa rin ang provincial annual investment plan para sa 2022 na nagkakahalaga ng P5,331,658,038 na siyang pagbabasehan sa proposed annual budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Bokal Sonny Ubana na tumatayong leader ng Majority bloc, wala sa kanila ang pagkukulang kung bakit hindi naipasa ang panukalang 2021 annual budget. Sinunod lamang umano nila ang mga proseso at alituntunin na itinakda ng batas hinggil sa pagtitiyak na magagastos nang tama ang salapi ng bayan.
Malinaw aniya na batay sa kanilang pag-aaral, mayroong mga probisyon sa Annual Proposed Budget na hindi tumutugma sa orihinal na Annual Investment Plan na nauna nang naaprubahan ng Konseho.
Una, may nakita umano sila na halos 200M-300 Million na disconnected o hindi tugma sa orihinal na plano na dapat pagkagastusan ng pondo.
Pangalawa, hindi detalyado ang malaking bahagi ng proposed budget lump sum. Nakasaad sa Budgetary Regulation na dapat detalyado ang lahat ng gastusin, anong proyekto, at saang bayan o barangay ito gagamitin.
Pangatlo, hindi umano tugma ang nakapaloob na mungkahing budget doon sa mensahe ng gobernador (Executive Message). Nakasaad sa mensahe na “this budget seeks to provide response and recovery for Covid. Subalit nang bulatlatin ang nilalaman nito ay nakita nila na halos lahat ng provincial hospital ay nabawasan pa ng halos 40% ang MOOE (maintenance and other operating expenses), samantalang ang halos lahat ng hospital sa probinsiya ay may karga naman na halos 40Million pondo para sa dagdag na casual, job order, sa ilalim ng Governor’s Office.
Sapat nang mga dahilan ito, ayon kay Ubana, para hindi nila ipasa ang naturang budget proposal.
Mayroon din aniyang sapat na panahon ang Office of the Governor para baguhin o gawan ng revision ang na-disapprove na budget proposal at mabigyan ito ng pagkakataon na maaprubahan subalit hindi ito ginawa ng gobernador at sa halip ay inakusahan pa ang konseho ng pamumulitika.
Sinabi ni Ubana na ang paghahain ng kaso para sa kanilang suspension ay malinaw na paraan ng gobernador upang pilayin sila at hindi tuluyang magampanan ang kanilang tungkulin na bantayan at siguraduhing nagagastos nang tama ang pera ng bayan.
194 