ISA na naman notoryus na tulak ang napaslang ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 sa kanilang mas agresibong kampanya kontra ilegal na droga bilang bahagi nang patuloy na pagpapatupad ng pamunuan ng PNP sa programa nitong Intensified Cleanliness Policy (ICP).
Ayon kay PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, isang katibayan nito ang pagkakasamsam sa tinatayang 1,150 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P7,800,000 ang street value kasunod ng ipinatupad na buy-bust operation sa bayan ng Nabua, Camarines Sur.
Ayon sa ulat na ibinahagi ni P/BGen. Estomo, nagsagawa ng anti-narcotics operation ang mga tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5, katuwang ang Nabua MPS, dakong 3:00 ng madaling araw noong Nobyembre 15, 2021 sa Brgy. Sta. Elena sa bayan ng Nabua.
Nabatid sa ibinahaging ulat ni P/Major Malou Calubaquib, nakuha mula sa suspek na si Bienvenido Dinsing Jr. y Laurena, nasa hustong gulang, may asawa, at residente ng Brgy Tambo, Pamplona, Camarines Sur, ang mahigit isang kilo ng shabu.
Batay sa isinagawang operasyon, nakabili umano ng 150 gramo ng hinihinalang shabu ang poseur buyer ng PNP, sa halagang P450,000.
Matapos ang palitan ng bayad at item, nagduda ang suspek na isa lamang patibong ang transaksyon kaya agad nitong binunot ang kanyang 9mm pistola at ipinaputok sa mga awtoridad.
Wala namang tinamaan sa unang bira ng putok mula sa suspek. Napilitang gumanti ang mga operatiba upang depensahan ang kanilang mga sarili sa nakaambang panganib. Bunsod nito, tinamaan si Dinsing sa kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Bukod sa buy-bust item, nakuha rin sa suspek ang tinatayang isang kilo ng shabu.
Bago ang buy-bust operation, masusing imbestigasyon ang ikinasa ng pulisya katuwang and PDEA RO5, upang tiyakin ang impormasyong natanggap hinggil sa pagtutulak ng suspek ng droga. Napatunayan ito ng mga operatiba kaya naman agad na plinano ang anti-illegal drugs operation upang mapigilan ang masamang gawain ng suspek.
Sa mga lugar sa Naga City, Camarines Sur, Legazpi at Tabaco madalas
umano itong mag-supply ng droga.
Dagdag pa rito, si Dinsing ay naaresto na rin noon sa parehong kaso ngunit nakalabas ng kulungan sa bisa ng plea bargaining. (JESSE KABEL)
174
