EHEALTH SYSTEM BILL LUSOT NA SA KAMARA

GANAP nang naipasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representante ang panukalang batas na nagtataguyod ng Philippine Electronic Health o eHealth System and Services sa hangaring paigtingin ang pagpapatupad ng Universal Health Care o Kalusugang Pangkalahatan sa buong bansa.

Walang kahirap-hirap na sinang-ayunan ng mga kongresista ang House Bill No. 10245 (eHealth System and Services Act) na pangunahing akda ni House Committee on Health Chairperson Quezon 4th district Rep. Angelina “Helen” Tan.

Sa ilalim ng panukala, itatayo ang isang sistemang magsusulong ng malawakang impormasyon ukol sa kalusugan at mga serbisyo gamit ang information and communication technology (ICT) o ang National eHealth System (NeHS).

Bahagi din ng nasabing panukalang batas ang pagtatayo ng isang independent body na tatawaging eHealth Policy and Coordination Council na siyang gagawa ng mga polisiya at hakbang para sa epektibong pagpapatupad ng eHealth system.

Ipatutupad din ang ilang mga aktibidad tulad ng pagsasakatuparan ng eHealth services and applications, pagsasagawa ng Human Resource for eHealth Development Plan, pagtatayo at pangangasiwa ng kinakailangang national ICT infrastructure sa pagpapatupad ng eHealth services and applications at National eHealth Data Center, kasama na rin ang pagpapaunlad at pagmomonitor ng strategic framework at plano na siyang gagabay sa pagpapatakbo ng NeHS.

“Lubhang mahalaga at napapanahon ang National eHealth System na ipatupad sa bansa dahil papagbutihin nito ang paglalaan ng kinakailangang serbisyong pangkalusugan ng mamamayan”, ani Tan hinggil sa kapos na pagtugon ng pamahalaan sa gitna ng pandemya.

Pagtitiyak pa ng kongresista, tutugunan ng eHealth ang kalusugan hindi lamang ng mga pasyente kundi maging ang hanay ng mga healthcare workers sa gitna ng peligrong dala ng nakamamatay na COVID-19.

“Ang pamumuhunan sa eHealth lalo na ngayon na nasa gitna tayo ng pandemya ay kinakailangan upang tiyakin ang pantay na pag-abot sa serbisyong pangkalusugan, lalo na para doon sa mga naninirahan sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) at partikular na sa mga mahihirap nating kababayan”, pahabol pa ni Tan.

314

Related posts

Leave a Comment