WALA ng dahilan para hindi makasabay ang Pilipinas sa pandaigdigang kalakalang bibida sa pagbangon ng bansa sa kinasadlakang dusang
dulot ng pandemya.
Ito ang tiniyak ni Bureau of Customs-Port of Clark (BOC-POC) District Collector Alexandra Lumontad matapos pormal na matanggap ang pinakaaasam na ISO 9001:2015 Quality Management System (QMS) Certificate na patunay ng husay ng kanilang tanggapan.
Inihayag ni Lumontad ang magandang balita sa lingguhang pulong,
kasabay ng paggagawad ng pagkilala ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa mga natatanging kawaning bahagi ng pagsisikap ng Port of Clark na maipasa ang mahabang proseso ng paghahanda at pagsusulit para sa ISO Certification na hudyat para makasabay ang POC sa gitgitang kumpetensya sa pandaigdigang kalakalan.
Sa isang pahayag, inilarawan ni Lumontad ang ikalawang ISO Certification bilang katuparan sa pangako ng kanilang mandatong pinahusay na serbisyong pasok sa international best practices.
Taong 2020 nang umpisahang puntiryahin ng POC ang ISO Certification batay na rin sa Top 10 Priority Programs ni Customs Commissioner Guerrero.
Dito na aniya nag-umpisang tahakin ng POC ang mga takdang antas ng mahabang prosesong nagtapos nang irekomenda ng TUV SUD Certifying Body ang paggagawad ng
ISO 9001:2015 Certification noong buwan ng Agosto.
Sa pinakahuling ISO Certification, partikular na tinukoy ng TUV SUD Certifying Body ang mas pinahusay na sistema sa Provision of Cargo Clearance Operations, Customs
Arrival Operations at Customer Care ng POC.
Nito lamang nakaraang Oktubre nang igawad ang ISO 9001:2015 Certificate sa POC bilang kauna-unahang collection district na freeport na naging ISO-Certified.
161 