ATM NG ADMINISTRASYON

MULING pumaibabaw ang iregularidad sa ­gobyerno sa panibagong pagsisiwalat kaugnay ng P13.7-bilyong pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na iginarahe sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Philippine International Trading Corporation (PITC).

Sa pagdinig ng panukalang 2022 operating budget ng Department of National Defense (DND) sa Senado, biglang lumutang ang dalawang Commission on Audit (COA) reports na tumutukoy sa “unliquidated funds” ng militar – P5.2-B sa PS-DBM at P8.5-B naman sa PITC.

Lumalabas na ang nasabing pondo ay bahagi lamang ng P39.7-B na inilagak ng DND sa dalawang ahensyang tila “napag-utusang bumili ng mga makabagong kagamitang batay sa programang modernisasyon ng hukbong sandatahan”.

Susmaryosep! Kung mayroong isang ahensyang may sapat na kaalaman kung ano ang kailangan ng mga militar, ito ay ang DND at hindi ang PS-DBM o ang PITC.

Bakit kailangang magpabili ng gamit pandigma sa PS-DBM at PITC?

Pero iba ang giit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana. Aniya, mga “karaniwang supplies” lang ang kanilang pinabili sa PS-DBM at PITC.

Kung totoo ang kanyang sinasabi, pangkaraniwang supply lang din ba ng militar ang dalawang barkong binili ng kanilang ahensya sa ilalim ng kontrobersyal na P16-B frigate deal?

Kung ating babalikan, taong 2018 nang ­sumambulat ang P16-B frigate deal na kumaladkad sa pangalan ng noo’y Presidential Special Assistant Bong Go na kalaunan ay naging senador at ngayo’y kandidato para pangulo ng bansa.

Sa ilalim ng kontrobersyal na frigate deal, bumili ang gobyerno ng dalawang barko mula sa isang kumpanyang nakabase sa bansang South Korea.

Ang siste, hindi ang nanalong lowest bidder ang nakakuha ng kontrata kundi ang kumpanyang inindorso ni Go, batay sa kanyang mga liham kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Kung pangkaraniwang supplies lang ang pinaggamitan ng bilyon-bilyong pondo, bakit kailangan pang iutos ito sa ibang ahensya? Hindi ba’t may suppliers naman ang DND? Hindi ba’t nangangasiwa rin sila ng public bidding para sa pangangailangan nila?

Kung tinatamad silang magpa-bidding, sana umorder na lang sila sa Shopee or ‘di naman kaya sa Lazada. Mura na, deliver pa.

Subalit batid ng bawat Pilipino ang dahilan. Pera-pera, para-paraan!

176

Related posts

Leave a Comment