INANUNSYO ni Quezon City Police District Director P/BGen. Antonio C. Yarra ang pagkakaaresto sa isang drug suspect na nakumpiskahan ng P3,000,000 halaga ng marijuana sa buy-bust operation ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR).
Kinilala ni P/Maj. Wennie Ann Cale, Officer-in-Charge ng DDEU, ang suspek na si Joseph Ang, 22-anyos, residente ng Brgy. 172, Caloocan City, at nakalista bilang regional priority target drug personality.
Ayon sa report, naglatag ng buy-bust operation laban sa suspek dakong alas-8:30 ng umaga nitong Nobyembre 18, 2021 sa Elliptical Road, Brgy. Old Capitol Site, Quezon City matapos na i-report ng isang confidential informant sa DDEU ang illegal drug activities nito sa lugar.
Bumili umano ang isang poseur buyer ng P50,000 halaga ng marijuana at nang magbigay ng pre-arranged signal ang awtoridad ay agad inaresto ang suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang 25 kilo ng marijuana na tinatayang P3,000,000 ang halaga.
Ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOEL O. AMONGO)
301 