ISA sa bawat apat na estudyanteng Pinoy ang piniling tumigil sa pag-aaral, batay sa pinakahuling pag-aaral ng United States Agency for International Development (USAID).
Sa datos ng pag-aaral ng USAID sa epekto ng COVID-19 sa hanay ng mga out-of-school (OSY) na pinangasiwaan ng USAID, kasama ang Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), lumobo ang bilang ng mga OSY sa antas na 25.2% mula sa 16.9% na naitala sa unang apat na buwan ng nakaraang taon.
Gayunpaman, lumalabas din sa kanilang pag-aaral na kasabay ng pagdami ng huminto sa pag-aaral ay ang pagbubukas ng mas maraming oportunidad para kumita ang mga kabataan sa gitna ng pananalasa sa buhay at kalusugan ng pandemya.
Ayon sa USAID, naging daan ang pandemya para mahubog ang kamulatan ng mga kabataan sa pamilya, kabuhayan, akademya at lipunan.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng suporta si USAID Philippines Acting Mission Director Sean Callahan sa DepEd at TESDA, kasabay ng alok na tulong sa ilalim ng programang Opportunity 2.0 kung saan maglalaan ng karampatang pag-agapay ang nasabing grupo sa Alternative Learning System (ALS) para sa mga napilitang tumigil sa pag-aaral sa hangaring makatulong sa pamilyang nilugmok ng pandemya. (JESSE KABEL)
