F2F CLASSES SA VALENZUELA ‘DI PA PINAL

NILINAW ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na “for approval” pa ng Department of Education ang face-to-face classes sa dalawang paaralang pang-elementarya sa Valenzuela City.

 “Sa mga nagre-react dyan, ang limited face-to-face classes ay for approval pa ng Regional DepEd. Simulation palang ito,” ayon sa post ni Gatchalian sa Facebook.

“Hindi pa lahat ng schools sa Valenzuela City ay allowed na magsagawa ng face-to-face classes. Dalawa pa lang ang recommended natin for the limited f2f classes – DV (Disiplina Village) Bignay ES at Tagalag ES pa lang,” giit ng alkalde.

“Hindi rin lahat ay pwede na mag f2f dahil limited lamang ito sa Kinder to Grade 3 tapos 16-17 students lamang ang maaaring nasa loob ng classroom,” ayon pa sa punong-lungsod.

“Hindi din naman ito compulsory. Voluntary pa rin at dapat may parent’s consent. Kung ayaw po ninyo papasukin anak ninyo sa face-to-face, you can go with the distance learning pa rin at mag-modules po kayo,” ayon pa kay Gatchalian.

Sa kabila nito, marami pa rin ang nagtatanong na kung “for approval” pa ang panukalang face-to-face classes ay bakit ipinaskil na sa social media ng Pamahalaang Lungsod Valenzuela na sisimulan na ang harapang pagkaklase sa Disyembre 6 na parang sigurado nang ito ay papayagan.

Bukod dito, marami rin ang nahihiwagaan kung bakit mga nasa elementaryang karamihan ay hindi pa pwedeng bakunahan, ang nais isalang sa face-to-face classes at hindi ang mga 12-17 taong gulang na na maaari nang magpabakuna na karamihan ay nasa high school. (ALAIN AJERO)

141

Related posts

Leave a Comment