LAGUNA – Isang motorcycle rider ang patay habang comatose ang isa pa dahil sa ‘self-road accident’ sa San Pablo City, Laguna at Rosario, Batangas noong Lunes ng gabi at Martes ng madaling araw.
Sa San Pablo City, agaw-buhay sa ICU ng Laguna SPC General Hospital ang hindi pa kilalang rider matapos na ito maaksidente sa Maharlika highway, sakop ng Brgy. San Ignacio dakong alas-8:40 ng gabi.
Ayon sa fruit vendor na nakasaksi sa pangyayari, mabilis ang takbo ng biktimang sakay ng itim na motorsiklong Skygo Wizard 125 MC nang bigla na lamang itong sumadsad sa sementadong highway sa northbound lane.
Walang malay itong isinugod sa ospital habang tinutunton pa ng mga awtoridad ang mga kaanak nito.
Sa Rosario, Batangas, dakong ala-1:20 ng madaling araw, natumbok naman ng humaharurot na rider na si Hermoso Nacario Jr., 36, ang nakatambak na buhangin sa highway sa Barangay Lumbangan dahilan para sumemplang ito.
Nawalan ito ng kontrol at bumagsak sa kongkretong kalsada na nagresulta grabeng pinsala sa ulo at katawan.
Isinugod pa ito sa ospital sa Rosario ngunit idineklara itong dead on arrival ng doktor. (NILOU DEL CARMEN)
