Ni ANN ENCARNACION
TINIYAK ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang pagsabak ng Philippine volleyball men’s at women’s team sa darating na Southeast Asian Games at Asian Games.
Desidido si PNVF prexy Ramon “Tatz” Suzara na makapalo ang national men’s at women’s team sa dalawang regional meet sa anumang paraan.
“Ipapakiusap natin sa Philippine Olympic Committee (POC) na isama ang women’s team sa Asian Games kahit ang PNVF na ang magbayad,” sabi ni Suzara sa Philippine Sports Association (PSA) Forum kahapon.
“Kasi kailangan talaga nila na magkaroon ng maraming laro o yung sinasabi ng coaches nila na dapat mahigit na 50 laro sabakan nila para masanay,” dagdag niya.
Pasok na ang men’s team sa Asian Games na gaganapin sa Hangzhou, China matapos magwagi ng medalyang pilak sa 30th Southeast Asian Games na ginanap sa bansa noong 2019, habang nabigo ang women’s team sa bronze medal match up kontra Indonesia at tumapos lang sa 4th place.
Hindi natuloy ngayong taon dahil sa COVID-19 pandemic ang 31st SEA Games sa Vietnam, kaya’t sa halip ay isasagawa ito sa kalagitnaan ng susunod na taon.

167