GRADE 8 STUDENT SINAKSAK NG KAKLASE SA ISKOL

ISA na namang insidente ng karahasan sa loob ng eskuwelahan na sangkot ang mga estudyante ang nangyari makaraang pagsasaksakin ng isang 14-anyos na Grade 8 student ang isang 15-anyos na kamag-aral dahil umano sa isang alitan sa isang pampublikong eskuwelahan sa Dasmariñas City, Cavite noong Lunes ng hapon.

Hawak na ng City Social Welfare and Development (CSWD) ang suspek na si alyas “Ranz”, Grade 8 student ng Dasmariñas East Integrated High School, habang nasa maayos nang kalagayan sa Pagamutan ng Dasmariñas ang biktimang si alyas “Glen”, 15, parehong transferee sa nasabing eskwelahan.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa loob ng eskuwelahan kung saan ay may nauna nang alitan ang dalawa na nangyari noong Huwebes, Hulyo 9, ngunit hindi ito naresolba.

Noong Lunes, muling nagkita ang dalawa sa loob ng eskwelahan habang breaktime. Nang makita ng biktima ang suspek ay tinangka itong lapitan pero nang mapansin ito ng huli ay agad na naglabas ito ng patalim at sinaksak sa likod ang una.

Tinangka naman ng ibang estudyante na mamagitan habang ang iba ang nagsumbong sa kanilang guro.

Naglabas naman ng pahayag ang Dasmariñas East Integrated High School hinggil sa insidente at sinabi ng pamunuan na nagsasagawa sila ng masusuing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga awtoridad para sa isang patas na imbestigasyon sa insidente para matukoy ang buong pangyayari

Binigyang-diin ng pamunuan na pangunahing prayoridad nila ang kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng mga mag-aaral at kawani at magpapatupad din sila ng mga hakbang para sa ligtas at maayos na kapaligiran sa loob ng eskwelahan.

(SIGFRED ADSUARA)

81

Related posts

Leave a Comment