UPANG mapalakas ang proteksyon ng mga bata at matiyak ang kaligtasan sa mga paaralan, inihain ni Las Piñas City Councilor Alelee Aguilar, chairperson ng Committee on Education, ang isang panukalang ordinansa para sa Lungsod ng Las Piñas.
Ang panukala ay isang komprehensibong hakbang na naglalayong palakasin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan, mga programa laban sa bullying, at pag-iwas sa karahasan sa lahat ng institusyong pang-edukasyon sa lungsod.
Nakatanggap ang panukalang ordinansa ng nagkakaisang suporta mula sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod matapos itong iharap sa Las Piñas City Council Hall, na sumasalamin sa sama-samang pagtugon ng lungsod sa mga kamakailang insidente ng bullying, karahasan sa kabataan, at school shootings na nagdulot ng pangamba sa buong bansa.
Nagtatatag ang panukalang batas ng isang integrated school safety framework sa pamamagitan ng pagpapalakas ng child protection systems, school-based mental health at psychosocial support services, behavioral threat assessment teams, anonymous reporting mechanisms, violence prevention programs, at restorative justice interventions para sa mga batang nasa panganib.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbuo ng Las Piñas City School Safety and Student Wellness Council na magsisilbing tagapag-ugnay ng mga polisiya at programa sa pagitan ng mga paaralan, barangay, mga magulang, law enforcement agencies, mga propesyonal sa kalusugan, at iba pang stakeholder ng komunidad.
Ayon kay Councilor Aguilar, ipinatutupad ng ordinansa ang isang preventive, child-centered, at whole-of-community approach na nagbibigay-diin sa maagang interbensyon, partisipasyon ng pamilya, at rehabilitasyon kasabay ng pananagutan.
“Kung tunay nating nais ng mas ligtas na mga paaralan, kailangan nating mamuhunan hindi lamang sa seguridad kundi pati na rin sa kalusugang mental ng ating mga anak, positibong pagpapahalaga, at matibay na ugnayan sa pagitan ng mga pamilya, paaralan, pamahalaan, at komunidad. Karapatan ng bawat bata na matuto sa isang kapaligirang malaya sa takot, karahasan, at bullying,” pahayag ni Aguilar.
Kapag naipatupad, inaasahang magiging isa ang ordinansa sa mga pinakakomprehensibong lokal na polisiya sa bansa pagdating sa school safety, child protection, at kapakanan ng mga mag-aaral.
(BETH JULIAN)
107 