BUNSOD ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, nag-isyu ng Notice to Airmen (Notam) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Martes, nag-aabiso sa mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa bulkan sanhi ng dumadalas na aktibidad nito.
Sa inilabas na advisory, ipinagbabawal ng CAAP ang paglipad malapit sa Mayon Volcano mula sa taas na 11,000 feet simula alas-3:45 a.m. nitong Martes hanggang Miyerkoles, Hulyo 15, alas-3:12 a.m.
“Flight operators are advised to avoid flying near the volcano, which remains under Alert Level 3,” ayon sa CAAP.
Naitala ng Philippine Volcanology and Seismology o Phivolcs ang maikling lava fountain sa summit crater o bunganga ng Bulkang Mayon nitong Martes, alas-nuwebe trenta y sais ng umaga.
Ito na ang ika-189 na magkakasunod na araw ng effusive eruption sa Bulkang Mayon na nagdudulot ng incandescent lava flows, pyroclastic density currents, o mas kilala bilang “uson,” at rock falls.
Nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa naturang bulkan at mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-km permanent danger zone.
Nitong Martes, iniulat ang light to moderate ashfall sa ilang bayan sa lalawigan ng Albay kasunod ng naranasang eruptive episode ng bulkan bandang alas-6:31 a.m. hanggang alas-6:46 a.m.
(JESSE RUIZ)
88 