ISINUSULONG ni Negros Occidental 3rd District Representative Javier Miguel “Javi” L. Benitez ang pagsasabatas ng panukalang Artificial Intelligence Development and Regulation Act upang pabilisin ang pag-unlad at responsableng paggamit ng artificial intelligence (AI) sa bansa.
Layunin ng panukalang batas na hikayatin ang pag-unlad at paggamit ng AI sa Pilipinas sa halip na higpitan ito, habang tinitiyak ang access para sa mga Filipino researchers, maliliit na negosyante, mga paaralan, at iba pang sektor.
“We studied Brussels, Washington, and Beijing, but we are writing a Filipino law, one that works for the farmer, the teacher, and the small business owner in the province,” pahayag ni Rep.
Benitez, na tumatayong chairman ng Technical Working Group (TWG) sa ilalim ng House Committee on Information and Communications Technology (ICT).
Humigit-kumulang 60 stakeholders mula sa mga ahensya ng pamahalaan, regulators, industriya, mga unibersidad, at civil society organizations ang dumalo sa deliberasyon na isinagawa sa Speaker Nograles Hall sa Kamara de Representantes.
Itinuturing ng Kamara na prayoridad ang naturang panukala, kung saan 26 na panukalang batas mula sa Kamara, tatlong resolusyon, at isang privilege speech ang isinangguni sa TWG at kalaunan ay pinagsama-sama sa isang substitute bill.
Nagkaisa ang mga kalahok na ang mga AI system ay dapat idisenyo upang suportahan ang human autonomy, informed decision-making, at makabuluhang human oversight.
Pinagtibay rin ng panel ang probisyon na nagsisiguro na gagamitin ang AI upang mapahusay, at hindi pahinain, ang kakayahan ng tao sa pag-iisip at pag-unawa.
Binigyang-diin din ng mga stakeholder ang pangangailangang tugunan ang epekto ng AI sa kapaligiran, palakasin ang kakayahan ng bansa sa AI diplomacy sa gitna ng pabago-bagong pandaigdigang supply chain, at bumuo ng sariling AI capabilities bilang suporta sa pambansang seguridad.
Sa kasalukuyang bersyon ng substitute bill, hindi na kailangang iparehistro sa pamahalaan ang karamihan sa mga AI system.
Tanging ang mga itinuturing na high-risk AI systems lamang ang sasailalim sa pagpaparehistro at pagsusuri sa kaligtasan.
Pinapayagan din ng panukala ang mga startup na gumamit ng regulatory sandbox na itatatag ng pamahalaan upang mabigyan sila ng gabay at pangangasiwa sa pagbuo, pagsasanay, pagsubok, at pagpapatunay ng mga bagong AI system.
Naglalaman din ang panukala ng mga proteksyon para sa mga manggagawang maaaring maapektuhan ng pagkawala ng trabaho dahil sa paggamit ng AI.
Nakasaad sa panukala na walang Pilipino ang maaaring tanggalin sa trabaho batay lamang sa desisyon ng isang algorithm.
Inaatasan din ang mga employer na magbigay ng 60 araw na abiso at pagkakataon para sa retraining bago ipatupad ang anumang displacement na dulot ng AI.
Maaaring magsumite ang mga stakeholder ng kanilang mga panukalang amyenda hanggang Hulyo 20 sa pamamagitan ng ICT Secretariat.
Muling magpupulong ang panel sa susunod na buwan.
(PAOLO SANTOS)
95 