PAGLILINGKOD NI CONG. SANDRO MARCOS NA MAY BUNGA PARA SA MGA ILOCANO

TARGET ni KA REX CAYANONG

HINDI lamang nasusukat sa dami ng batas na naipapasa ang pagiging mahusay na mambabatas.

Mas mahalaga kung paano naipararamdam sa mga tao ang tunay na serbisyo at kung may positibong epekto ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Sa Unang Distrito ng Ilocos Norte, makikita ang iba’t ibang programang naglalayong mapabuti ang kabuhayan, edukasyon, at kinabukasan ng mamamayan. Ito ang mga serbisyong direktang nakararating sa mga pamilyang higit na nangangailangan.

Isa sa mga programang ito ang Sustainable Livelihood Program o SLP ng pamahalaan.

Mahigit P1.9 milyon ang ipinamahagi bilang tulong sa mga benepisyaryo mula sa Pagudpud, Bangui, at Burgos upang magkaroon sila ng dagdag na puhunan sa kanilang kabuhayan.

Ang ganitong uri ng tulong ay hindi lamang pansamantalang ayuda. Layunin nitong bigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na magkaroon ng mas matatag at pangmatagalang pinagkakakitaan upang unti-unting makabangon sa hirap ng buhay.

Malaking bagay rin ang pagpapatupad ng TUPAD Program sa Burgos kung saan 232 manggagawa ang nabigyan ng kabuuang mahigit P2.3 milyon matapos makumpleto ang kanilang 20 araw na community work. Katumbas ito ng patas na sahod kapalit ng kanilang sipag at oras.

Mas mainam ang mga programang nagbibigay ng trabaho kaysa simpleng pamimigay lamang ng tulong. Nagkakaroon ng dignidad ang bawat manggagawa dahil pinaghihirapan nila ang kanilang kinikita habang nakatutulong pa sa kanilang komunidad.

Hindi rin nakaligtaan ni Ilocos Norte 1st District Representative at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang sektor ng edukasyon. Sa pamamagitan ng CHED Tulong Dunong Program, 1,034 na estudyante mula sa iba’t ibang paaralan ang nakatanggap ng tig-P7,500 na educational assistance.

Mahigit P9 milyon ang kabuuang pondong inilaan para sa programang ito. Isang malaking ginhawa ito sa mga magulang at estudyanteng nagsisikap makapagtapos sa kabila ng tumataas na gastusin sa pag-aaral.

Ang edukasyon ang isa sa pinakamabisang paraan upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kabataan.

Kapag natulungan ang mga estudyante ngayon, mas malaki ang posibilidad na sila naman ang magiging katuwang sa pag-unlad ng lalawigan sa hinaharap.

Sa mga ganitong programa, makikita ang layunin ni Cong. Sandro Marcos na ilapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa bawat barangay at bawat pamilyang Ilocano.

Hindi man agad nasosolusyunan ang lahat ng suliranin, mahalagang tuluy-tuloy ang mga programang nagbibigay ng oportunidad sa kabuhayan, trabaho, at edukasyon.

Ang mga ito ang nagsisilbing pundasyon ng mas matatag na pamayanan.

Mabuhay po kayo, Cong. Sandro Marcos, at God bless!

78

Related posts

Leave a Comment