‘ROMANOV’ NAGMULA KAY MAYOR BASTE HINDI KAY VP SARA – LONTOC

INIHAYAG ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc sa Senate impeachment court na ang terminong “Romanov” na ginagamit ng depensa upang ipaliwanag ang kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte noong Nobyembre 23, 2024 ay orihinal na binitawan bilang babala laban sa pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at hindi laban sa Bise Presidente.

Ginawa ni Lotoc ang paglilinaw sa kanyang cross-examination matapos igiit ng depensa na ang pahayag ni Vice President Duterte ay tugon lamang sa tanong sa isang online press conference hinggil sa umano’y “Operation Romanov” na nagta-target sa pamilya Duterte.

Ang naturang online press conference ni Vice President Duterte noong Nobyembre 23, 2024 ang sentro ng Article IV ng Articles of Impeachment na nag-aakusa sa kanya ng grave threats at betrayal of public trust matapos niyang sabihin na nag-utos siya na ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Binasa sa rekord ni defense counsel Atty. Mark Vinluan ang tanong ng pro-Duterte online personality na si Princess Maui kung saan binalaan nito si Vice President Duterte tungkol sa “Operation Romanov” na umano’y naglalayong burahin ang pamilya Duterte.

Gayunman, nilinaw ni Lotoc na una niyang narinig ang terminong “Romanov” mula kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa isang Maisug rally, at walang napatunayang impormasyon ang mga imbestigador na may umiiral na naturang operasyon laban sa pamilya Duterte.

“Narinig ko ‘yung term na Romanov noong binigkas ni Mayor Baste noong January during Maisug rally. Other than that, wala akong na-validate about Romanov operation,” testimonya ni Lotoc.

Nang tanungin ni Senator-judge Raffy Tulfo kung ano ang eksaktong sinabi ni Mayor Duterte, sinabi ni Lotoc na ginamit ng alkalde ang sinapit ng huling maharlikang pamilya ng Russia bilang babala sa First Family ng Pilipinas.

Nagtaka naman si Tulfo kung bakit inilarawan ni Princess Maui ang “Romanov” bilang banta laban sa pamilya Duterte sa isinagawang online press conference.

“Nagtataka ako na binanggit ‘yan ni Princess Maui doon sa online press conference ni VP Sara, ‘yung Romanov na banta para sa mga Duterte. When in fact, it was Baste Duterte ang nagbitaw ng salitang ‘yan bilang warning sa First Family,” ani Tulfo.

Nang muling tanungin kung saan nagmula ang terminong Romanov, itinuro ni Lotoc ang kapatid ng Bise Presidente.

“Yeah, insofar as our investigation is concerned, since nag-start ‘yan doon kay Mayor Baste, at wala ho kaming ma-validate na ibang Romanov operations na nangyari, I think nag-start ‘yan sa kanila, sir, sa kapatid ng Vice President,” paglilinaw ng testigo.

Maging si Senator-judge Panfilo “Ping” Lacson ay umaming ang akala niya noong una ay banta laban kay Vice President Duterte ang naturang operasyon.

“I don’t know about the other senator-judges, but until today, when Senator-judge Raffy Tulfo clarified, na ‘yung palang Oplan Romanov, eh threat against the First Family,” ani Lacson.

“Ang impression ko, since last week, nung pinag-uusapan natin ang Oplan Romanov, eh threat ito against the Vice President,” dagdag pa niya.

Inihayag din ni Lotoc na inimbitahan ng NBI si Princess Maui upang magpaliwanag hinggil sa kanyang alegasyon subalit hindi ito sumipot.

Nang tanungin ng depensa kung nagsagawa ng imbestigasyon ang NBI hinggil sa tunay na pag-iral ng Operation Romanov, sinabi ni Lotoc na limitado lamang sa mga paglabag sa information and communications technology ang saklaw ng imbestigasyon ng Cybercrime Division at ang iba pang usapin ay nasa ilalim na ng intelligence services.

(TINA MENDOZA)

94

Related posts

Leave a Comment