DOLE MULING HUMIRIT NG DAGDAG NA INSPECTORS

MULING iginiit ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang hirit nito na karagdagang tao para maitalagang labor inspectors lalo na’t umaabot na sa milyon ang mga establisimyentong iniinspeksyon ng ahensya kada taon.

Ayon kay Labor Assistant Secretary Ma. Teresita Cucueco sa ginanap na Laging Handa Briefing, kulang na kulang ang kanilang mga inspector sa ngayon na aabot lamang sa 1,200 kayat nagre-

request pa sila sa executive department para madagdagan ang bilang na ito.

Kung hindi aniya mapaabot sa 5,000 ang kanilang inspectors ay kahit pumalo man lamang sa 2,000 ay malaki na rin ang maitutulong nito.

Dahil sa 2,000 labor inspector, sinabi ni Cucueco, siguradong mas marami na ang matututukan o maiinspeksyon nilang workplaces at mga establisimyento.

100% nainspeksyon na

Kaugnay nito, pumalo na sa mahigit 100% ang workplaces at establisimyento na ininspeksyon ng DOLE ngayong 2021 para siguraduhin na nasusunod ang labor code at health standards.

Malinaw na nalagpasan na ng DOLE ang target nitong 75,000 na mainspeksyon ngayong taon.

Sinabi rin ni Cucueco, na kasama sa kanilang mandato na magsagawa ng pag-iinspeksyon upang masiguro na nasusunod sa bawat workplaces o lugar paggawa ang lahat ng batas na nagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa.

Sa katunayan umabot na sa 120% o katumbas ng 90,327 na workplaces ang kanilang nainspeksyon ngayong taon.

Sa kanilang pag-iikot ay nakita umano nila ang pagsunod ng lahat ng mga business owner sa Labor Code at sa mga ipinatutupad na health standard ng pamahalaan kontra COVID-19.

Sapat na ventilation

Samantala, kinakailangan nang gumamit ng carbon dioxide monitors ang mga commercial establishment at mga kumpanya upang agad malaman kung sapat ang ventilation sa work spaces.

Ani Cucueco, napaka-importanteng tumalima ang lahat ng mga business owner sa kanilang mga lugar paggawa alinsunod sa ventilation standard ngayong nakapasok na sa Pilipinas ang omicron variant.

Aniya pa, malaking tulong ang carbon dioxide monitors upang agad malaman ang antas ng carbon dioxide sa isang establisimyento o opisina dahil mabilis mahawaan ng virus ang isang indibidwal sa mga kulob na lugar.

Isa aniya ang ventilation standards sa mga nakasaad sa health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan sa work places. (CHRISTIAN DALE)

145

Related posts

Leave a Comment