SA kabila ng patuloy na pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, isang palaisipan pa rin para sa akin kung bakit marami pa rin ang nag-aalangan magpabakuna.
Noong Sabado, inanunsyo ng Department of Health na ang bagong kaso ng COVID-19 ay nasa 291 lamang. Sa ngayon, mayroon na lamang 9,924 na aktibong kaso sa Pilipinas at 43.9 porsyento sa nasabing bilang ay mga walang sintomas at mild case lamang.
Kundi sa tulong ng mga bakuna, marahil ay makikita natin ang mga aktibong kaso sa kada araw na hihigit na naman sa 20,000 katulad noong mga nakaraang buwan. Lalo na at panahon na naman ng Kapaskuhan at mas maraming mga tao ang lalabas sa mga pampublikong lugar upang mamili ng mga regalo.
Ang patuloy na pagbaba ng mga daily case ay nagpapatunay na tayo ay pinoprotektahan ng mga bakuna sa mas malubhang sintomas na dulot ng naturang sakit. Hindi natin makakamit ang pagbaba ng aktibong kaso, at mas lalong hindi natin mauumpisahan ang pagbangon mula sa pandemya kung walang tulungan at kolaborasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng medical frontliners.
Malapit nang mag-isang taon magmula noong sinimulan ng Pilipinas ang vaccination program, ngunit sa 110.8 milyon na Pilipino, tila hirap pa ring makamit ng pamahalaan ang layunin nitong herd immunity. Sa ngayon ay nasa 43 milyon na Pilipino pa lamang ang napamahagian ng full dose ng bakuna at ito ay 39.3 porsyento pa lamang ng ating populasyon.
Bukod sa kakulangan sa bakuna, tila sa panahon ngayon ay marami pa ring kampante at hindi sineseryoso ang bangis ng COVID-19. Marahil ay marami pa ring mga Pilipino ang hindi naniniwala sa bisa ng mga bakuna.
At bilang isa sa mga nangangampanya sa pagpapabakuna, mukhang higit na kailangan ng Pilipinas na paigtingin pa ang programa nito sa education at information campaign upang labanan ang pag-aalangan ng ilan pang Pilipino sa bakuna.
Huwag na natin hintayin pang may mangyaring masama sa atin o sa ating mga minamahal sa buhay. Kung hindi tayo magpapabakuna, mas lalo nating ine-expose ang ating mga mahal sa buhay sa panganib.
Sinabi ng mga eksperto na hindi tayo magiging COVID-free sa oras na tinanggap natin ang ating mga bakuna, ngunit binabawasan nito ang panganib. Ika nga, mas mabuti nang maging “ilang porsyentong protektado” kaysa naman mailagay ang ating buhay sa panganib.
Bukod dito, ang pagpapabakuna natin ay atin na ring ambag sa pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya pati na rin para sa ating ekonomiya. At kung malago ang ating ekonomiya, mas malago rin ang ating pamumuhay.
Huwag nating ipagkait sa bawat isa na mamuhay nang normal. Karapatan nating lahat ang mas maayos, at mas maunlad na pamumuhay.
