BULACAN – Patay ang 60-anyos na senior citizen at ang kasambahay nitong 17-anyos makaraang makulong sa nasusunog na ukay-ukay store sa Barangay Poblacion, City of Meycauayan sa lalawigang ito, noong Martes ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktimang sina Milagros Glorioso, may-ari ng nasunog na ukay-ukay stall at Jackie Arevalo, kapwa ng Barangay Pandayan ng nasabing lungsod.
Base sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-2:15 ng madaling araw nang lamunin ng apoy ang tindahan ng biktima na Irene Ukay-ukay sa People’s Market na 2-story commercial building sa Barangay Poblacion.
Nabatid na isang tawag mula sa security guard na si Jaypee Escobar ang natanggap ng Meycauayan City Fire Department hinggil sa nagaganap na sunog sa nasabing establisyemento.
Ayon kay SFO4 Lauro Claus, ang mga biktima ay natagpuang magkayakap na natusta malapit sa bintana ng ikalawang palapag dahil sa sunog na umabot sa ikalawang alarma bago naapula dakong alas-3:10 ng madaling araw.
Patuloy pang inaalam ang posibleng sanhi ng sunog na maaaring dulot ng faulty electrical wiring sa unang palapag. (ELOISA SILVERIO)
220
