PBA ALL-STAR TULOY

ANUMAN ang mangyari, wa­lang makapipigil sa Philippine Basketball Association (PBA) All-Star Extravaganza.

Iginiit ni Commissioner Willie Marcial ang kahalagahan ng All-Star Game sa liga. “Kailangan namin ang All-Star Game, dyan kami humuhugot ng pondo para sa Players Trust Fund.”

Sa PTF din kinukuha ang pondo para sa scholarship ng mga anak ng retiradong PBA players.

Kaya hindi nababahala ang liga na hindi matutuloy ang All-Star Game, kahit manatili sa Alert Level 3 ang Metro Manila matapos ang Enero 31, dahil may tatlong probinsiya ang nagpahayag ng kanilang interes na maging host nito.

“Sabi namin, hindi ba kayo malulugi (since we’re in trying times). Sabi nila, ‘hindi, sabik na sabik na ang mga fans sa PBA.'”

Bago sumabog ang ­COVID-19 pandemic sa bansa noong Marso ng nakaraang taon, sa Passi, ­Iloilo sana isasagawa ang All-Star Game.

Magugunitang naging matagumpay ang 2019 edition sa Calasiao, Pangasinan kung saan nag-tie sina Arwind Santos ng San Miguel Beer at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra bilang MVP.

Tinalo naman ng North ang South, 185-170, sa game na nagtala ng record breaking dunks at three-pointers.

EASL SAMA SA 47th PBA CALENDAR

DESIDIDONG magpartisipa sa East Asia Super League (EASL) kaya’t isinama na ito ng PBA sa kanilang 47th season calendar.

Ayon sa PBA, mayroon nang kasunduan tungkol sa pagsasa­ayos sa petsa ng mga laro ng dalawang koponan sa home-and-away format, na magsisimula sa ikalawang linggo ng Oktubre 2022.

Sinabi ni Marcial, nagkausap sila kamakailan ni EASL co-founder at CEO Matt Beyer at ibinigay ng huli ang playing calendar para sa limang buwan.

“Nagbigay na sila ng schedule. Oktubre 12 ang layo, at Oktubre 19 sa bahay. Ang alam ko ang kalaban natin either Japan or Korea,” anang PBA commissioner.

Nabatid pa na sa Nobyembre, isa sa walong kalahok na koponan ay magkakaroon ng tatlong home games at tatlong road games.

“Kinausap ko na si Deputy Commissioner Eric Castro na i-adjust ang schedule. Kailangan i-adjust yung schedule para doon sa mga teams na pupunta,” wika ni Marcial, na excited na sa EASL.

Ginawa na ng PBA ang pag-aadjust sa schedule ng teams noong 2019, nang ang San Miguel, TNT at Blackwater ay naglaro sa Terrific 12, na dating bersyon ng EASL na nagtatampok sa ilang commercial ballclubs sa buong rehiyon. (ANN ENCARNACION)

130

Related posts

Leave a Comment