NEPOMUCENO RESCUE: BALIKBAYAN BOXES, SA WAKAS NAI-DELIVER NA!

On the Level Ni JUNEX DORONIO

SA LOOB ng mahabang panahon, tila naging simbolo ng pangungulila at pagkadismaya ang mga balikbayan box na hindi dumarating.

Para sa libo-libong OFWs, hindi lang ito kahon—ito ay pagmamahal, sakripisyo, at pangarap na ipinadadala sa kanilang pamilya sa Pilipinas.

Kaya naman nang mabalitang mahigit 42,000 kahon ang na-stranded sa mga pantalan, tila muling nabuksan ang sugat ng kawalang tiwala.

Ngunit sa gitna ng problemang ito, may isang lider na kumilos—si Bureau of Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno.

Ayon sa ulat, ang ugat ng problema ay hindi pala ang gobyerno kundi ang ilang freight forwarders na naningil na sa OFWs ngunit hindi naman nagbayad ng kaukulang port charges, duties, at taxes.

Sa madaling salita, “no pay, no delivery.”

Tuloy, naiwan sa mga pantalan ang mga kahong dapat sana’y matagal nang nasa piling ng mga pamilya.

Diretsahang sinabi ni Nepomuceno: “Wala silang binayaran. In fact, dapat binayaran nila ‘yan dahil naningil sila sa ating mga kababayan.”

Isang malinaw na paglalantad ng katotohanan—at ng pananagutan.

Hindi rito nagtapos ang kanyang aksyon.

Sa halip na magturuan, pinili ni Nepomuceno na linisin ang sistema.

Inisa-isa ang mga anomalya, pinanagot ang mga kumpanyang pabaya, at higit sa lahat, pinabilis ang proseso para mailabas ang mga kahon.

Hindi na pinayagan na ang Bureau of Customs ang masisi sa kapabayaan ng iba.

“Alam ninyo, ang kabuuan na nasingil nila (freight forwarders) sa ating mga kababayan ay hindi bababa sa P330 million,” dagdag pa niya—isang halagang hindi lang pera kundi pawis at luha ng mga OFW.

Sa ilalim ng pamumuno ni Nepomuceno, naging malinaw ang mensahe: hindi dapat maloko ang mga Pilipino, lalo na ang mga bayaning nasa ibayong dagat.

Ang transparency na kanyang ipinatupad ay nagbigay-linaw sa publiko—na hindi pala ang gobyerno ang dahilan ng delay, kundi ang mga pribadong kumpanyang hindi tumupad sa obligasyon.

At dito nagiging feel-good ang kwento.

Dahil unti-unti, ang mga kahon ay gumagalaw na.

Ang mga ina ay muling makatatanggap ng pasalubong.

Ang mga bata ay muling makabubukas ng tsokolate at laruan mula sa ibang bansa.

At ang mga OFW, sa wakas, ay makahihinga nang maluwag—dahil alam nilang may gobyernong handang ipaglaban ang kanilang pinaghirapan.

Sa isang sistemang madalas batikusin, isang lider ang nagpatunay na may pag-asa pa.

Hindi man perpekto ang solusyon, malinaw ang direksyon: aksyon, accountability, at malasakit.

Sa huli, ang balikbayan box ay hindi lang basta kahon. Isa itong paalala na ang bawat Pilipino—kahit nasaan man sa mundo—ay may uuwian.

At sa tulong ng mga lider na tulad ni Nepomuceno, mas nagiging sigurado na ang pag-uwi na iyon.

****

Sa mga kawani ng BOC na nagtatanong tungkol sa kanilang “reward”, ipagdasal po natin na matatanggap ang “one time, big time” sa susunod na buwan ng Hulyo. Wala sanang kokontra, ‘di ba, BOCEA?

****

Para sa reaksyon, email doroniojunex777@gmail.com

100

Related posts

Leave a Comment