RAPIDO ni PATRICK TULFO
ISA sa mga reklamo na aming natanggap at inaksyunan ay ang laban sa isang travel agency na matatagpuan sa Makati City.
Ito ang S&G Travel and Tours na may opisina sa Unit 249, Cityland Towers, Calle Estacion, Brgy. Del Pilar, Makati City.
Ayon sa aming complainant na si Jen Alamo, kumuha sila ng tour package para sa Hong Kong at Macau sa S&G Travel and Tours at nagbayad ng halos 200 thousand pesos para rito. Pero hindi natuloy ang kanilang pag-alis noong Marso at nalaman lang nila ito matapos na makabalik sa bansa upang magbakasyon.
Nagkaproblema raw ang bookings nila ayon sa S&G, kaya nabalewala ang siyam na araw na bakasyon nito sa bansa, dahil isa pong OFW si Jen at nagtatrabaho sa Taiwan.
Pinangakuan raw sila ng refund ng S&G pero walang nangyari kaya napilitin na silang lumapit sa aming programa.
Ilang beses po naming sinubukang makipag-ugnayan sa S&G Travel and Tours pero bigo kami at nagdesisyon na puntahan na lamang ito kamakailan lamang.
Una naming tinungo ang tanggapan ng barangay ng Pio Del Pilar dahil sila ang nakasasakop sa opisina ng inirereklamong travel agency. Pero ayon sa lupon, hindi raw sakop ng kanilang kapangyarihan ang reklamo at sinabing magtungo na lang sa pulis.
Nalaman din namin sa lupon na pangsampu na raw kami sa mga nagreklamo sa kanila laban sa S&G.
Sumunod na pinuntahan namin ang opisina mismo nito sa Cityland Towers, pero hindi kami pinaakyat ng mga guwardiya sa lobby.
At dahil dito, nagdesisyon po ang inyong lingkod na dalhin na sa Makati Business and Licensing Office (BPLO) ang reklamo, kung saan nalaman din namin na panglima na raw ang aming team sa nagtungo sa kanila para ireklamo ang S&G Travel and Tours.
Nangako ang opisina ng Makati BPLO na ipatatawag ang pamunuan ng S&G upang sagutin ang reklamo namin kasama ang apat na iba pang complainant.
86 