NAHARANG ng mga awtoridad ang planong mass shooting sa loob ng General Mariano Alvarez Technical High School sa Cavite matapos isumbong ng isang Grade 10 student ang umano’y balak ng kanyang 15-anyos na kaklase.
Hawak na ngayon ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) ang menor de edad na suspek na si alyas “Emman” para sa kaukulang intervention.
Ayon sa mga guro, agad silang nakatanggap ng impormasyon mula sa isa ring 15-anyos na estudyante tungkol sa planong pamamaril kaya mabilis na naabisuhan ang pulisya.
Sa imbestigasyon, sinabi ng ina ng suspek na may nakatagong baril ang ama ng bata sa kanilang bahay sa Barangay Dacon, General Mariano Alvarez.
Narekober ng mga pulis ang isang baril na walang serial number, na kalaunan ay isinuko sa barangay at ipinasa sa pulisya.
Isinailalim ang menor de edad sa intervention program ng MSWD at pinag-aaralan na rin ang posibilidad na ilipat siya sa Boys Town para sa karagdagang rehabilitasyon at disposisyon ng kaso.
(SIGFRED ADSUARA)
92 