LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS
BUNSOD ng nangyaring marahas na insidente sa isang paaralan na ikinamatay ng tatlong estudyante at ikinasugat ng mahigit sampu pang kabataan, nagkaroon ng mga pagtatalo kung dapat bang ipagbawal sa mga estudyante ang pagdadala o paggamit ng cellphone sa loob ng mga paaralan.
May mga balidong dahilan ang mga nagmungkahing tuluyang ipagbawal ang pagdadala ng cellphone ng mga estudyante sa paaralan dahil sa nasaksihang karahasan na ang itinuturong dahilan ay ang pagkababad sa cellphone ng mga kabataan ang puno’t dulo ng kaguluhan.
Ayaw na nilang muling mangyari ang nasabing trahedya sa paaralan na ikinagimbal ng bansa. Iginigiit din nila ang tuluyang pagbabawal sa cellphone bilang proteksyon sa kanilang mga anak na pinangangambahan nila ang kaligtasan sa loob ng paaralan.
Naniniwala silang dahil sa labis na access ng mga kabataan sa cellphone ay nahihikayat silang gumawa ng karahasan base sa kanilang napapanood na mararahas sa video games sa internet.
Batid nilang hindi pa lubusang nauunawaan ng mga kabataan na ang kanilang napapanood ay iba sa reyalidad na hindi nila dapat seryosohin.
Hindi natin masisisi ang mga magulang na nais ang agarang pagbabawal sa cellphone sa mga kabataan dahil nais lamang nilang proteksyonan ang kanilang mga anak.
Gayunman, mayroon ding tumututol na ipagbawal ang cellphone sa mga kabataan dahil ito lamang ang tanging paraan upang makontak nila ang kanilang mga anak kung saan ang mga ito naroroon at kung ano ang kanilang ginagawa.
Humuhupa ang kanilang pag-aalala kapag narinig na nila ang boses ng kanilang mga anak sa cellphone na patunay na nasa ligtas na kalagayan ang mga ito.
Naniniwala rin silang sa pamamagitan ng cellphone ay agad nilang makokontak ng kanilang mga anak sakaling may mangyaring emergency upang agad silang masundo katulad ng lindol, o kung may kinahaharap na problema habang nasa labas ng bahay ang mga anak.
Bukod dito, nagagamit din ng mga estudyante ang cellphone bilang learning tool. Magagamit sa research, calculator, dictionary. Kailangan din matutunan ng mga kabataan kung paano gumamit ng cellphone nang responsable. Kapag tuluyang ipinagbawal, baka hindi sila matutong mag self-regulate.
Gayunman, dapat na naka-off at naka-impound sa bag/teacher ang cellphone habang may klase ngunit maaaring gamitin kapag lunch break o emergency.
Maaaring ang dapat na ipatupad sa mga estudyante ay limitasyon sa paggamit ng cellphone at hindi ang tuluyang pagbabawal dito. Sa kasalukuyan, ang cellphone ay kasama na sa pangunahing pangangailangan ng bawat isa. Kung walang cellphone ay para tayong may kapansanan na hindi makukumpleto ng isang araw nang hindi tumitingin dito.
May negatibo at positibong dulot ang pagbibigay ng access sa cellphone sa mga kabataan kaya nararapat ang tamang gabay mula sa mga magulang.
93 