HINIMOK ni Senadora Imee Marcos ang Department of Trade and Industry na magpatupad na ng price freeze sa mga raw material ng tinapay upang hindi mabigatan ang mga maliliit na panadero sa bansa.
Kasabay nito, nagpahayag ng pangamba si Marcos na paliit na ng paliit at hindi na makabusog ang pandesal na almusal at pang meryenda ng ordinaryong Pinoy.
Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, tiyak na tutol ang mga konsyumer ng tinapay sa hirit na P3 pisong dagdag presyo pero hindi na rin anya makayanang hindi ipatupad ng mga panadero.
“Sa nangyayari ngayon, baka maging ga-holen na lang ang laki ng pandesal,” saad ni Marcos.
“Napipilitang magtaas ng presyo ang mga panadero dahil nagmamahal ang materyales at pagpapatakbo ng negosyo habang gipit pa rin ang mga badyet ng mga mamimili sa gitna ng pandemya,” dagdag ng senadora.
Una nang iginigiit ng producers na makatwirang itaas ng tatlong piso ang presyo ng Pinoy Tasty at pandesal dahil hindi nagbago ang presyo nito mula pa noong 2016 na Php35 kada loaf at Php21.50 kada sampung pirasong pandesal.
Bukod sa price freeze, isa pang panandaliang solusyon ay ang pag-import ng harina ngunit government-to-government na usapan at pang-emergency use lamang.
Ang mas pang-matagalang solusyon ay ang pagdagdag sa nutrisyon ng mga tinapay na ginawa na sa kilalang Nutribun noong dekada ’70.
“Gaya ng Nutribun noong araw, ang tinapay ay pwedeng dagdagan ng mga sangkap na lokal gaya ng kamote, cassava, monggo, kalabasa, patatas, at bigas. Pwede pa lalong payamanin sa protina, gamit ang mani at malunggay,” paliwanag ni Marcos.
Kung ikukumpara ang halaga ng gastos para sa harina noong 2020 at 2022, lumalabas na ang presyo ng first-class na harina ay nasa P670 hanggang P970, nagkakahalaga naman ang all-purpose flour ng P90 hanggang P1,140, at ang third-class flour naman ay mula P600 hanggang P890.
Ang gastos sa LPG para ay tumaas na mula sa P52 kada kilogram noong 2020 sa Php65.15 sa kasalukuyan.
Tumaas rin ang iba pang sangkap sa tinapay mula sa P2,386 naging P3,476 kada 40-kilogram na balde ng mantika, mula sa P2,100.15 hanggang P3,490 kada 45-kilogram na balde ng margarine, mula sa P2,200 hanggang sa P3,100 kada 50-kilogram bag ng asukal sugar, at mula sa P1,890 hanggang sa P2,200 para sa kaparehong halaga ng brown na asukal.
Sumipa na rin ang presyo ng gatas mula sa P4,100 naging P5,700 na ang 25-kilogram bag ng skimmed milk powder; P1,820.16 hanggang P1,951.20 naman ang 48 lata ng evaporated milk, at mula sa P2,566.56 naging P2,679.84 na ito para sa kaparehong dami ng condensed milk.
Tanging ang mga pampaalsa lang ng tinapay at ang tuyong lebadura ang hindi nagbago ang presyo na nasa P1,500 hanggang P1,950. (DANG SAMSON-GARCIA)
260
