ARESTADO ang isang negosyante na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela police chief, Col. Ramchrisen Haveria Jr. ang naarestong suspek na si Michael Alejandrino, 43.
Ayon kay Col. Haveria, dakong alas-9:00 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Doddie Aguirre, ng buy-bust operation sa harap ng bahay ng suspek kung saan ang undercover police ay nagpanggap na buyer at nakipagtransaksyon kay Alejandrino ng P500 halaga ng marijuana.
Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang knot tied ice bag na naglalaman hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 500 grams ng hinihinalang marijuana na may standard drug price na P60,000, isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na P1,360 ang halaga, marked money, P400 cash, cellphone, isang cal. 45 pistol na may magazine at anim na bala, isang cal. 40 pistola na may magazine at anim na bala, leather holster, sling bag at assorted identification cards.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act in relation to Comelec Resolution No. 10728 (two counts). (FRANCIS SORIANO)
203 