BUBUKSAN nang muli ang lahat ng mga pampubliko at pribadong basketball court sa Valenzuela City para sa mga kumpletong bakunado, ngunit bawal pa rin ang mga miron.
Ayon sa post ng pamahalaang lungsod sa social media noong Pebrero 4, kailangan munang kumuha ng “Activity Pass” ng mga maglalaro bago makagamit ng court.
Makipag-ugnayan lamang umano sa mga punong barangay o sa may-ari at/o admin ng mga court.
Hindi pinapayagan ang mga mga patimpalak gaya ng mga inter-barangay basketball league o three-point shootout.
Iginiit ng City Hall na dapat ay fully vaccinated ang mga manlalaro/mag-eehersisyo, organizers, opisyal at iba pang indibidwal na may partisipasyon sa laro o group exercise, at mahigpit na ipinagbabawal ang mga manonood at bystanders sa loob at labas ng court.
Maaaring magtanggal ng face mask ang mga manlalaro/nag-eehersisyo habang sila ay nasa laro o group exercise, ngunit kailangan pa ring mag-face mask at social distancing bago at matapos ang laro o ehersisyo. (ALAIN AJERO)
310 