2 BATA, 7 PA PATAY SA LASING NA DRIVER

IPINASISIYASAT ng Cagayan Police Provincial Office kung kapwa lasing ang dalawang Philippine Army reservist na sakay ng isang

passenger van na responsable sa pagkamatay ng siyam na katao noong Linggo sa Brgy. San Lorenzo, Lal-lo, lalawigan ng Cagayan.

Ayon sa ulat ng Cagayan PNP, lumilitaw na kapwa Army reservist ang mga sakay ng van.

Nabatid sa inisyal na pagsisiyasat, nagmula umano ang van na minamaneho ni Dan Vincent Domingo, reservist ng AFP at residente ng Bulanao, Tabuk City, Kalinga, sa kampo ng 17th Infantry Battalion sa Bangag, Lal-lo at papuntang Apayao nang mangyari ang aksidente.

Inaalam ng mga awtoridad kung nakainom ng alak ang driver ng van nang mangyari ang aksidente.

Sugatan sa pangyayari ang van driver naka-confine ngayon sa isang pribadong ospital sa Tuguegarao City

Habang nagpalipat naman sa isang ospital sa Luna, Apayao ang kasama ng driver na si Allan Jay Parungao, 29-anyos, ng Dagupan Centro, Tabuk City, Kalinga na sugatan din.

Ayon kay Lt. Gilbert Columna, deputy chief ng Lal-lo Police, umabot sa siyam na indibidwal, kabilang ang dalawang bata, ang namatay matapos silang araruhin ng sasakyan ng mga army reservist.

Ang mga namatay ay pawang mga “Agta” na kinilalang sina Aladin Oñate, Clarita Maganay, Duarte Oñate, Eric Oñate, May ann Martinez, Rosita Martinez, Charie Oñate, pawang mga nasa hustong edad; Elisa Martinez, 3-buwang gulang, at Jeric Oñate, 10-taong gulang.

Sinasabing tinatahak ng van ang national highway sa Barangay San Lorenzo nang mawalan umano ito ng kontrol sa kurbadang bahagi ng kalsada bandang alas-9:00 ng gabi.

Sinalpok muna ng van ang balkonahe ng isang bahay bago ang isang tricycle at mga tao na nakatambay roon galing sa lamayan sa hindi kalayuan sa lugar.

“Bumangga muna sa harap ng isang bahay, particularly sa balkonahe bago niya natumbok ‘yung mga tao na nakatambay sa gilid ng 4 lane national highway malapit sa bahay,” ani Columna.

Nakuha sa loob ng tricycle ang bangkay ng tatlo sa mga biktima, habang ang iba ay nakahandusay sa kalsada.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Columna na mabilis ang patakbo ng suspek sa pakurbadang bahagi ng lansangan nang araruhin nito ang mga biktima, bago sumalpok sa isang bahay at dumiretso sa garahe ng isa pang bahay at sinalpok ang tricycle at Fortuner hanggang sa muli itong sumalpok sa isa pang bahay.

 

Sa lakas ng pagkakabangga ay nagkalasog-lasog ang katawan ng mga

biktima habang nawasak ang sasakyan. (JESSE KABEL)

211

Related posts

Leave a Comment