MAKARAANG mahuli sa simpleng sugal-lupa, nadiskubreng may nakabinbing kasong carnapping ang isang 42-anyos na kaanib ng Sputnik Gang nang isilbi ang warrant of arrest sa loob ng kulungan sa Manila Police District – Moriones Police Station 2 sa Tondo, Manila.
Kinilala ang suspek na si Angelito Ramos y Talplacido.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo III, commander ng MPD- Moriones Police Station 2, bandang alas-11:30 ng tanghali nang isilbi ang arrest warrant kay Ramos sa loob mismo ng kulungan.
Ang isinilbing warrant of arrest ay inisyu ni Judge Torribio Ilao Jr., ng Regional Trial Court, Branch 266 ng Pasig City, na may petsang Setyembre 12, 2013.
Nabuking na wanted sa carnapping si Ramos sa Taguig City nang kumuha ng clearance sa korte ang tauhan ni Lorenzo na si P/Major Edwin Arevalo Malabanan, hepe ng Warrant Section ng PS2.
Nauna rito, natimbog sa kasong BP 1602 (illegal gambling) si Ramos noong Pebrero 19,2022 dahil sa paglalaro ng cara y cruz. (RENE CRISOSTOMO)
163