IGINIIT ng isang kongresistang kaalyado ng administrasyon ang special session sa hangaring matalakay ng Kamara at Senado ang nakabinbing panukalang suspensyon sa pagongolekta ng buwis na kalakip ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, higit na angkop na magpatawag ng special session sina House Speaker Lord Allan Velasco at Senate President Vicente Sotto III bilang tugon sa panaghoy ng publiko sa lingguhang dagdag-presyo sa gasolina, krudo at kerosene sa merkado.
Partikular niyang tinukoy ang panawagan nina Rep. Mikee Romero at Rep. Carlos Zarate para sa agarang suspensiyon sa umiiral na pagpapataw ng excise at value-added tax (VAT) na awtomatikong nakokolekta ng pamahalaan sa tuwing bibili ng mga produktong petrolyo ang mga motorista sa mga pumping stations ng mga kumpanya ng langis.
Pag-amin pa ni Defensor, tanging suspensyon ng mga excise tax at VAT ang solusyon sa lingguhang pasakit na dagdag-presyong sukdulang nakaapekto na rin aniya sa iba pang pangunahing bilihin sa mga pamilihan.
“I support the proposal of my colleagues. We have to act fast to provide relief to our people in the wake of
soaring gas prices, which have now increased by more than P20 per liter due to the COVID-19 pandemic and the heightening tensions between Russia and Ukraine and its western allies,” ani Defensor.
Diin pa ng kongresista, di na angkop na umabot pa sa mga kilos protesta ang hinaing ng mga Pilipino, bagay na maiiwasan kung magkukusa na sina Velasco at Sotto.
Pangamba pa niya, mas malaki ang mawawala sa sandaling mapilay ang transport sector, bukod pa sa nakaambang labor strike bunsod ng hindi maawat na pagmamahal ng mga produktong petrolyo.
Di rin aniya dapat ipagwalang-bahala ang epekto ng tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia – mga estadong kapwa nag-aambag ng suplay ng langis sa pandaigdigang merkado.
“We don’t have control over the worsening situation in Russia-Ukraine, but we certainly have control over the taxes we have imposed on our people,” paliwanag ni Defensor kasabay ng pagtukoy sa biglang pagpalo sa $100 kada bariles ng langis sa world market – malayo sa $60 per barrel na naitala nitong nakaraang taon.
“What do we do if the price of oil hits $120-$130 per barrel and domestic fuel prices breach P100 per liter?” pasaring pa niya kina Velasco at Sotto sa gitna ng kawalang aksyon ng Palasyo.
“President Duterte may be waiting for what our leaders in Congress have to say on the proposed special session to reduce oil taxes and fuel prices. After all, it was the legislature that imposed and even increased these levies.” (BERNARD TAGUINOD)
