CAPACITY SA PUVs IBABALIK SA 100%

BUKAS ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa hiling na pagbigyan ang hanggang 100% kapasidad sa mga Public Utility Vehicle (PUV) kapag ibinaba na sa Alert Level 1 ang National Capital Region.

Dahil dito, itataas sa full passenger capacity ang mga pampublikong sasakyan mula sa kasalukuyang 70%.

Gayunman, kailangan pang aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang nasabing rekomendasyon.

Nanawagan ang LTFRB sa publiko na huwag pa ring makampante at magpatuloy lamang sa pagsunod sa ipinatutupad na health protocols.

Ngayong araw nakatakdang ianunsyo ng pamahalaan ang bagong Alert Level status sa NCR at iba pang lugar sa bansa.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, dapat aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte bago nila ianunsyo ang panibagong alert level.

Pagtitibayin din ngayong araw ang draft ng IATF para sa mga papayagang aktibidad sa ilalim ng Alert Level 1.

Ani Presidential Spokesperson Karlo Nograles, agad ipababatid sa publiko sa pamamagitan ng regular na Laging Handa briefing ang bagong alert status.

Kabilang sa ikokonsidera sa pagpapalit ng alert level ang: mas mababa na sa limampung porsyento ang kabuuang bed utilization rate; fully vaccinated na ang pitumpung porsyento sa target population at fully vaccinated na ang nasa walumpung porsyento ng residente nitong nasa Priority Group A2 o senior citizen. (CHRISTIAN DALE)

131

Related posts

Leave a Comment