PAGKONDENA SA RUSSIA KINATIGAN NG KAMARA

russia

KINATIGAN ng Kamara ang pasya ng administrasyong Duterte na suportahan ang inilabas na resolusyon ng United Nations General Assembly na kumondena sa pag-atake ng bansang Russia sa Ukraine.

Katwiran ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na tumatayong chairman ng House Committee on National Defense and Security, angkop lang na makiisa ang Pilipinas sa isahang pagkilos ng mga kasaping bansa ng UN, lalo pa’t nagbabadya ang posibilidad ng pananakop ng bansang Tsina sa pagmamatigas nito sa teritoryo sa karagatang sakop at pasok sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Giit ni Biazon, kakailanganin ng Pilipinas ang suporta ng UN sakaling malagay sa alanganin ang sitwasyon sa West Philippine Sea kung saan patuloy na nakahimpil ang mga sasakyang dagat ng bansang Tsina.

“I support the statement issued by the Philippines on the matter of the Russian invasion of Ukraine, particularly its call for the cessation of hostilities and the preservation of civilians and civilian infrastructures, especially those that are part of Ukraine’s culture and heritage. They are, after all, not just for the Ukrainians but for humanity as well,” ayon sa pahayag na ipinamahagi ng tanggapan ni Biazon.

Ayon sa mambabatas, tama ang posisyon ng Pilipinas na panindigan ang kanilang pangako na ipaglaban ang soberanya ng isang bansa kalakip ang kalayaan mula sa mananakop at integridad ng nasasakupang teritoryo.

“We must remember that the Philippines may someday avail the support or assistance of the community of nations if we fall victim to territorial aggression by other countries,” dagdag pa ni Biazon tungkol sa suliranin ng Pilipinas sa karagatang inaangkin ng bansang Tsina sa kabila ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration na nagbabasura sa Nine-Dash-Line na giit ng Tsina sa buong South China Sea.

Nauna rito, inanunsyo ng Malakanyang na boboto ang Pilipinas ng “yes” sa UNGA resolution na naglalayong kondenahin ang “unprovoked armed aggression” ng Russia sa Ukraine.

Sa isang kalatas na ihahayag sa special emergency session ng UNGA, aapela ang delegasyon ng Pilipinas para sa proteksyon ng mga sibilyan at pagtatapos ng labanan.

Ang hakbang na magdaos ng UNGA emergency session ay bunsod ng paggamit ng Russia ng veto noong Biyernes para harangin ang Security Council resolution na nagkokondena sa paglusob ng Moscow at ang panawagan na agad nitong i-withdraw ang tropa nito.

Sinabi ng UN na ito ang unang UNGA emergency special session na isasagawa simula noong 1982. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

328

Related posts

Leave a Comment