INTERESADO SA PESTENG DIGMAAN

HINDI na bago ang tinatawag na collateral damage sa tuwing mayroong nagaganap na digmaan. Sila yaong hindi inaasahang madamay, sukdulang isakripisyo pati ang kanilang buhay. Babae, lalaki, pobre, may-kaya, edukado, mangmang, matanda man o bata.

Sa giyera sa pagitan ng bansang Russia at Ukraine, marami ang nakitaan ng interes – may mga pumabor sa Rusong mananakop, mayroon din naman tumuligsa sa kaalyado ng mga Tsino. Ayon sa nakatutok na mga komentarista, nakakabahala ang hidwaang damay pati mga bata.

Bigla akong natigilan at napabulong — Nag-aalala sa mga batang posibleng madamay sa giyera sa pagitan ng dalawang malayong estado habang dito mismo sa bayan ko sandamakmak ang kabataang pinerwisyo ng walang saysay na digmaan ng gobyerno sa mga kapwa Pilipino?

Ang totoo, hindi na mabilang ang nadamay na kabataang napagitnaan ng kabi-kabilang hidwaan. Ang alitan sa sagupaang kinasasangkutan ng mga komunista, terorista at ng ating mismong hukbong sandatahan, sukdulang idamay pati ang mga walang muwang na bata.

Nito lamang nakaraang buwan, isang engkwentro ang naganap sa pagitan ng mga rebeldeng komunista at mga sundalo sa Barangay Roxas, bayan ng Catubig sa hilagang bahagi ng Samar. Ayon sa mga ulat, tinambangan ng mga armadong kalalakihang pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA), ang mga sundalo ng gobyerno.

Ang masaklap, nahagip ng palitan ng putok ang dalawang bata – ang 12-anyos na si Andre Mercado at pinsang Leandro ­Alivio, 13-anyos. Nakakalungkot isiping ang dalawang batang na­sawi ay nasa lugar ng insidente, hindi para maglaro kundi mag­hanapbuhay sa kanilang murang edad.

Kung tutuusin, aksidente at walang may gustong madamay ang dalawang batang nasawi sa sagupaan ng tropa ng Philippine Army at mga komunistang rebelde, subalit hindi angkop na tanggapin ang anumang dahilan ng magkabilang panig na kapwa dapat managot sa nasabing pangyayari.

Higit pa sa usaping collateral damage ay ang sumambulat na realidad – ang child labor, na patunay ng matinding kahirapang dinaranas sa mga kanayunang abot lang ng gobyerno sa tuwing sasapit ang halalan.

Ang totoo, hindi sina Andre at Leandro ang unang biktima ng ­tinaguriang “crossfire” sa sagupaang walang saysay. Hindi rin sila unang kaso ng child labor sa bansa.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong taong 2020, nasa 2.8% ng 31.17 milyong kabataang edad 5 hanggang 17 ang nasa iba’t ibang uri ng trabaho sa hangaring makaraos sa araw-araw. Ang dapat sana’y panahon sa pag-aaral at masayang paglalaro, ginugugol para kumita ng kaunti para mabuhay.

Sa kabila pa ng pinaiiral na Republic Act 7658 na mahigpit na nagbabawal sa child labor sa mga batang edad 15 pababa, wala rin namang magawa ang gobyerno kundi magkibit-balikat na lamang lalo pa’t ‘di rin naman naibibigay ang angkop na pangangailangan ng mga kabataang pag-asa ng kinabukasan.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

208

Related posts

Leave a Comment