MAGANDANG araw mga ka-Saksi at mga kabayani.
Hindi pa rin nagpapatinag ang ilang OFWs sa Ukraine para umalis at umuwi ng Pilipinas.
Sa latest report ng Department of Foreign Affairs, umaabot pa sa 141 OFWs ang nananatili sa war-torn Ukraine dahil sa pag-atake ng Russia simula pa noong Feb. 24.
Sa nasabing bilang, 45 OFWs ang nasa Kyiv, 55 OFWs ang nasa Hungarian border at nasa mga amo naman ang iba sa ilang lungsod sa Ukraine.
May 87 Filipino seafarers naman na onboard sa ilang barkong nakadaong sa Ukraine ports.
Sa pahayag ni DFA OUMWA Usec. Sara Ariola, ayaw umuwi ng karamihan sa mga Pilipino dahil gusto nilang kasama ang mga pamilyang Ukrainian habang ang iba ay mas pinili na sumama sa mga amo nila.
As of March 2, naitala ng DFA na may 80 OFWs na ang nakalabas mula sa Ukraine, kabilang na ang 40 Pinoy na ligtas na tumawid sa Poland, 27 ang nagtungo sa Moldova, 9 sa Austria at 4 sa Romania.
Ang siyam na OFWs na nagtungo sa Austria ay pinangunahan ni Teacher Sherly na umalis sa Kyiv simula nang maglunsad ng military operations ang mga Russo nitong Feb. 24.
Sinabi ni teacher Sherly, inasikaso sila ng mga tauhan ng Phil. Embassy sa Vienna, Austria.
Maghahanap na lang umano sila ng trabaho sa Austria kaysa umuwi sa Pilipinas.
Iniulat din ng DFA na may 19 OFWs ang nai-repatriate na sa bansa mula sa Ukraine at Poland.
Tiniyak naman ni OWWA administrator Hans Cacdac na tatanggap ang umuwing OFWs ng livelihood package para makapag-umpisa ng maliit na negosyo.
Siniguro ng DFA na patuloy nilang imo-monitor at kukumbinsihin ang mga Pinoy na naiwan pa sa Ukraine upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang patuloy ang pagkubkob ng Russia sa nasabing demokratikong bansa.
***
Sang-ayon po ako sa panawagan ni Senador Imee Marcos na kailangang-kailangan na ang agarang paglilikas sa lahat ng natitirang mga Pinoy
sa Ukraine.
Sinabi ni Marcos, mas namemeligro sila ngayon dahil sa desisyon ng European Union (EU) na suplayan ng matitinding armas ang mga sundalo ng Ukraine.
Suhestyon ni Marcos sa DFA at DOLE, dapat nang magkasa ang pamahalaan ng mas malakihang paglilikas para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Europe, sakaling umabot na ang giyera ng Russia-Ukraine sa iba pang mga bansa sa kanluran.
Nagdesisyon ang EU nitong Linggo na suplayan ng mabibigat at mas nakamamatay na mga armas ang mga sundalong Ukrainian at mas paigtingin ang sanctions sa ekonomiya ng Russia.
Bukod sa Ukraine at Russia, dapat magpatupad ng contingency plan ang Pilipinas sa kalapit nitong mga bansa, sa Belarus, Poland, Slovakia, Hungary, Romania, at Moldova.
Ang pagmamatigas ng ilang Pinoy na manatili sa Ukraine ay dahil hindi sila natatakot sa bomba o bala ng mga Russo kundi mas natatakot silang mamatay sa gutom ang kanilang pamilya sa bansa.
Takot ang mga Pinoy na bumalik sa bansa dahil wala silang magiging trabaho at maipapakain sa mga anak.
Hanga po ako sa kabayanihan ng ating mga OFW, lalo na ang mga kababaihan na iniwan ang kanilang pamilya sa Pilipinas para maghanapbuhay sa ibang bansa, gaya sa Ukraine.
Dalangin ko na magliwanag na ang isip ni Russian President Vladimir Putin para matigil na ang giyera at hindi na madagdagan ang bilang ng nasawing mga sibilyan at mga sundalo sa Ukraine.
Para sa inyong sumbong, reaksyon at suhestyon, mag-send lang sa dzrh21@gmail.com.
167
