MAHINA ang walong milyong piso na ginastos ng organizer ng rally ni Vice President Leni Robredo sa General Trias, Cavite noong Biyernes dahil binayaran ang mga dumalo ng tig-P500.
Ito ang isiniwalat ni House senior majority leader Jesus Crispin “Boying” Remulla sa isang panayam sa radyo kaugnay ng rally na dinaluhan ng may 47,000 katao na nagdulot ng matinding trapiko.
“Sa siyudad ng Cavite, may politiko na nagbabayad ng limang daan sa bawat aattend,” pagsisiwalat ni Remulla subalit hindi sinabi kung sino ang umano’y politiko.
“Tapos may jeep, tapos meron silang staging area, may t-shirt, may uniporme, kumpleto. Kaya alam mo na hindi indigenous kasi naka-uniporme. Hinahakot eh,” ayon pa sa mambabatas.
Hindi aniya biro ang ganitong uri ng gastos na hindi kaya ng ordinaryong politiko dahil bukod sa bayad at paghahakot ng mga tao para makarating sa rally site ay may iba pang gastusin.
“Ang uniporme nila, syempre pink. Halatang halata. May mga jeep, may takip ‘yung karatula kasi hindi naman talaga taga-roon, Kagabi ginastusan nila ‘yun, siguro mahina-hina ‘yung mga anim hanggang walong milyon,” ani Remulla.
Itinuturing ng mambabatas na desperadong hakbang ito sa kampo ni Robredo dahil lampaso umano sila sa nangungunang presidential candidate na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Marami rin umanong miyembro ng National Democratic Front (NDF) na dumalo sa rally ni Robredo.
Ang dami nilang mga estudyante, mukhang mga aktibista… Kaliwa, mga trained ng NDF (National Democratic Front)… May dalang mga bandera pero pink,” ayon pa kay Remulla. (BERNARD TAGUINOD)
281 