DEPENDE SA BOXING REFEREE

DALAWANG Pinoy boxer ang hindi pinalad sa kanilang laban sa nakalipas na araw.

Unang natalo si Jeo Santisima, nitong Marso 4 sa Save Mart Center sa Fresno, California para sa WBO international featherweight title, via 9th round TKO sa kamay ni Joet Gonzalez.

Base sa napanood nating fight video, itinigil ng reperi ang laban nang tamaan ng isang suntok si Santisima.

Ikinadismaya ng kampo ni Santisima ang ginawa ng reperi. Maging ng fans na dumayo sa Fresno, dahil masyadong premature stoppage ang nangyari.

Paliwanag naman ni referee Edward Collantes, masyado nang maraming tinanggap na suntok si Santisima sa previous rounds at dumugo pa ang ilong nito, kaya itinigil niya sa ninth.

Bago ang ninth round, winarningan ni Collantes si Santisima ititigil o aawatin niya ang sagupaan sakaling tumanggap muli ng maraming suntok ang Pinoy boxer.

Masyado lang naging maingat ang reperi sa nasabing laban. Marahil, natakot ang reperi na mabugbog pa nang todo si Santisima kung aabot sa sampung rounds.

Hindi natin masisisi si Collantes. Bilang ­referee, karapatan niyang itigil ang laban kung sa tingin ay lopsided ang bugbugan.

Sa nangyari kay Santisima, bagama’t nakapag­papatama siya, mas lamang ang patama ng ka­laban. Dahilan kaya namaga ang kanyang mukha.

Halos ganito rin ang nangyari kay Jerwin Ancajas nang idepensa ang IBF superfly crown, maraming suntok ang tinanggap niya, halos sarado ang kanyang mata. Pero, hindi itinigil ang laban dahil hindi malalakas ang suntok ng nakasagupa niyang si Argentinian Fernando Martinez noong nakaraang linggo sa Las Vegas.

Gaya ni Santisima, winarningan din ng reperi si Ancajas na ititigil ang laban kapag nakita niyang walang sagot ang Pinoy champion sa mga suntok ni Martinez.

Pero, depende rin kasi sa reperi. Kung masyadong maingat at takot ang reperi, o kaya’y maawain, wala itong pakialam kung itigil o awatin ang laban prematurely.

Kung matapang naman at sanay sa bakbakan at duguang laban ang reperi, hihintayin nitong magkabagsakan bago siya papagitna para itigil ang laban.

Sa Australia naman natalo si Joe Noynay sa rematch niya kay Liam Wilson ng WBO AsPac super featherweight. Knockout sa second round si Noynay. Kaya walang referee intervention, ­malinaw ang resulta.

Pawang nakalinya na sa world championship sina Santisima at Noynay. Kumbaga, ilang hakbang na lang para sa pangarap na world title fight.

Dahil sa nangyari sa kanilang laban, pahinga muna bago muling sumabak. Aralin kung ano ang kulang at saan nagkamali, bago muling bumalik sa ensayo.

***

NAKALULUNGKOT naman ang nangyari kay former boxing champion Guillermo Rigondeaux, nang masabugan ng pressure cooker habang ­nagluluto ng black beans, ayon sa ESPN.

Ang mga mata ng dating Cuban Olympian ang matinding naapektuhan sa naganap na pagsabog, matapos matalsikan ng kumukulong tubig.

Mahilig magluto si Rigondeaux, gaya ng mapapanood sa mga video isinishare niya sa kanyang kusina sa Florida kung saan siya nakatira.

Umabot umano sa 80% ng kanyang vision ang nawala. Ayon sa ulat, may nasisilayang sunlight at shadows si Rigondeaux, na positibong senyales ng kanyang recovery.

Ang susunod na sampung araw ang aabangan kung tuluyang makakarekober ang boksingero, ayon sa manager nitong si Alex Boronte, kasama na ang magiging desisyon sa kanyang boxing career.

Nasa bahay na ang boksingero at nagpapagaling.

Kagagaling lang ng 41 anyos na si Rigondeaux sa unanimous decision loss sa kamay ni Pinoy boxer Vincent Astrolabio sa Dubai.

Pangalawang sunod na talo iyon ni Rigondeaux sa nakalipas na anim na buwan, kasunod ng pagkabigo niya sa kamay ni WBO bantam titlist John Riel Casimero via split decision.

Ang sabi, may scheduled fight ang Cubano sa Agosto, ngunit dahil sa pressure cooker incident, malamang hindi ito matuloy, lalo’t mga mata niya ang napinsala.

180

Related posts

Leave a Comment