NAKATAKDANG manumpa bukas si Karlo Alexei B. Nograles para sa kanyang bagong posisyon bilang ad interim chairman ng Civil Service Commission (CSC).
Ang appointment paper ni Nograles ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Marso 4, 2022.
Magtatapos ang termino ni Nograles sa kanyang bagong posisyon sa Pebrero 2, 2029.
Nakasaad sa appointment paper ni Nograles na alinsunod sa probisyon ng Section 16, Article VII ng 1987 Constitution, at umiiral na mga batas, itinalaga ang dating acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary bilang ad interim chairman ng CSC.
Samantala, pinalitan naman ni Nograles si dating CSC chairman Alicia Dela Rosa-Bala.
Si dela Rosa-Bala na itinalaga sa pwesto ni dating Pangulong Benigno Aquino noong 2015 ay nagretiro nitong Pebrero 2, 2022.
Tahimik naman ang Malakanyang kung sino ang papalit kay Nograles bilang acting spokesman at cabinet secretary. (CHRISTIAN DALE)
