KINABUKASAN NG MGA KABATAAN

KALAKIP ng pagtataguyod sa mga kabataan ay ang karampatang proteksyon ng batas. ‘Yan mismo ang tugon ng bagong batas – ang Republic Act 11648 na nagtaas ng edad para sa tinatawag na sexual consent sa 16-anyos mula sa dating 12 taong gulang.

Nangangahulugang hindi sapat ang pagpayag sa pakikipagtalik ng isang bata para makalusot ang mapagsamantala. Pasok din sa bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karagdagang proteksyon sa mga menor-de-edad na 16-anyos pababa laban sa qualified seduction, child prostitution, sexual abuse, child trafficking at pamimilit sa mga bata na lumabas sa malalaswang babasahin at palabas.

Sa madaling salita, kulong sa loob ng mahabang panahon ang sisira ng kinabukasan ng mga batang tinukoy ng ating pambansang bayaning si Gat. Jose Rizal bilang pag-asa ng bayan.

Ang totoo, sadyang marami ang nasa­sadlak sa kalakalan ng laman sa hanay ng mga kabataan. Dangan naman kasi, laganap ang kahirapan, bagsak ang kabuhayan at walang trabahong mapasukan. Kaya ang resulta – kapit sa patalim.

Kung ang pakay ng pamahalaan sila’y protektahan, higit na mainam kung ang naturang mga isyu ay matugunan – hanapbuhay, edukasyon, impluwensya ng social media at maging ang mismong problema ng sambayanan – ang malawakang kahirapan.

Hindi sapat ang itinakdang kaparusahan sa mga mapagsamantala. Ang dapat – walang patumanggang pagtutok sa karapatan, kapakanan ang kinabukasan ng mga kabataan. Ang panahong inilalagi sa mga lansangan, dapat ginugugol sa paaralan kung saan hinuhubog ang kanilang kinabukasan.

Hindi rin dapat lubayan ng pamahalaan ang mga sindikatong sukdulang puntiryahin ang kahinaan ng mga kabataang salat sa pagkain at matutuluyan. Sa datos ng Philippine National Police (PNP), marami na ang mga kabataang kanilang nasagip sa mga establisimyentong kabataan ang pangunahing kalakal.

Sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), hindi na rin mabilang ang kanilang dinadala sa mga nagkalat na bahay-kalinga.

Pero bakit patuloy pa rin ang problemang kinasasadlakan ng mga kabataan? Kasi nga hindi prayoridad ng pamahalaan ang mga kabataan. Higit na mahalaga para sa kanila ang pagsipa ng negosyong pinagmumulan ng malaking bahagi ng buwis na kailangan ng gobyerno sa mga impra­straktura.

Gusto niyo ng patunay? Busisiin ang badyet ng pamahalaan. Alin ba ang luma­lamon ng pinakamalaking pondo ng ­gobyerno?

535

Related posts

Leave a Comment