HIGIT 300 PANG OFWs SA UKRAINE, STRANDED!

Aksyon OFW

HINDI pa rin nagpapatinag sa loob ng Ukraine ang 116 Pinoy habang 200 seafarers ang stranded sa war-torn country.

Sa report ng Department of Foreign Affairs, nagpapatuloy ang pambobomba ng Russian forces sa Kyiv at Karkhev, kabilang na ang nuclear facility ng Ukraine.

Noong Biyernes, nasunog ang Zaporizhzhia nuclear power plant sa Ukraine, ang pinakamalaking planta sa Europe matapos bombahin ng mga Russo.

Dahil sa tumitinding giyera doon, umaasa pa rin ang DFA na tatalima ang mga Pinoy na lumikas habang kaya pa silang isalba mula sa pagsalakay ng mga militar ng Russia.

Hindi naman masisisi ng pamahalaan ang ilang OFWs kung ayaw iwanan ang kanilang mga mahal sa buhay sa Ukraine lalo na ang mga mister na nag-volunteer bilang reserve army para lumaban sa Russian troops.

Pag-ibig sa gitna ng Giyera Nanaig pa rin ang puso at pagmamahal ng isang Pilipina sa kanyang mister na Ukrainian na hindi nito iniwan sa gitna ng giyera sa kanilang bansa.

Tulad na lamang ng kababayan nating si OFW Rose, tubong Guimaras, may pitong buwang gulang na sanggol at napangasawa ang isang Ukrainian digital artist.

Si Rose ay isang events organizer sa isang cruise ship sa Europe kung saan sila nagkakilala at naging magkaibigan ng mister niya hanggang sa ikasal, tatlong taon na ang lumipas.

Sa panayam kay Rose, gustuhin man n’yang umuwi sa Pilipinas, mahirap talagang magdesisyon na iwanan ang kanyang mister at pamilya nito sa Ukraine na napamahal na rin sa kanya.

Sabi ni OFW Rose na sobrang hirap na gumising na palagi na lang may kaba, naririnig ang mga bomba ng Russia at makikita sa telebisyon ang maraming sibilyang namamatay at mga sugatan, kabilang na ang mga bata.

Dalangin daw ni Rose na sana ay tumigil na si Russian President Vladimir Putin at maibalik ang matahimik na buhay ng mga Ukrainian.

Sa ngayon, tanging dasal lang ang kanilang sandata at panlaban sa pagsalakay ng Russian forces sa nasabing bansa.

“I love Ukraine so much, you will love the place, you will love the people. Napamahal na po sila sa akin lalo ang mga kamag-anak ng mister ko, sobrang mababait po talaga sila”, naiiyak na pahayag ni Rose sa inyong lingkod.

Dahil martial law sa Ukraine, nagboboluntaryo na umano ang mga sibilyan na may edad 18 hanggang 60-anyos na maging reservist army para lumaban sa Russian troops na hindi pa rin nagpapatinag sa ngayon.

Bukod dito, sinabi ni Rose na nagdo-donate rin ng dugo ang buong pamilya ng mister n’ya at nagbibigay rin sila ng pagkain sa mga refugee o internally displaced persons sa Ukraine.

***

OFW sa Jeddah, plinantsa ng amo.

Dumulog sa AKOOFW party-list ang isa nating kababayan na biktima umano ng physical maltreatment ng kanyang among Arabo sa Jeddah, Saudi Arabia.

Sa sumbong ni kabayaning Herlyn Jimenez, plinantsa siya ng among babae sa gilid ng kanyang tiyan kaya sobrang sakit ng kanyang naranasan sa abroad.

Bukod dito, hindi rin umano pinasahod ng amo ang ating kabayaning si Herlyn sa loob ng tatlong buwan.

Si kabayaning Herlyn ay nailigtas na sa kanyang amo at nananatili sa akomodasyon ng foreign recruitment agency na Al-Tashirah Al-Owla recruitment office. Nai-deploy si Herlyn sa Jeddah ng Honor Deployment Corp. noong October 21, 2021.

Ang kanyang among lalaki ay si Fahad Mohammed Saeed ­Alshahrani.

Sa pinakahuling impormasyon, pinipilit daw ngayon ng FRA ang ­ating kabayani na magtrabaho sa ibang employer dahil sa ginastos nila sa OFW.

Nawalan na rin ng kontak sa pamilya ang ating kabayani habang natanggap na ng OWWA at POLO-Jeddah ang report na ipinarating ni AKOOFW party-list 1st nominee Dok Chie Umandap.

Mabuhay ang AKOOFW sa mabilis na pagtulong sa ating kabayaning si Herlyn Jimenez. Talaga namang maaasahan at may malasakit sa ating mga OFW.

Saludo po tayo sa ating mga OFW na madalas nagsasakripisyo sa abroad at nalalagay pa sa peligro ang buhay lalo na sa giyera sa Ukraine.

Kung meron po kayong reklamo, komento, reaksyon at suhestiyon, mag-email lang sa dzrh21@gmail.com.

134

Related posts

Leave a Comment