IBINIDA ng Bureau of Customs (BOC) ang pinaiiral na mekanismong gamit ng Pilipinas at mga karatig bansa sa mas maayos na kalakalan, at sabayang pagpuksa sa mga sindikato sa likod ng illegal smuggling activities sa timog-silangang Asya.
Sa ginanap na ASEAN consultation and briefing session, pinangunahan ni Deputy Commissioner Allan Geronimo ng BOC Management Information System and Technology Group (MISTG), at Vice-Chair for Technical Matters of the National Single Window – Technical Working Group (NSW-TWG) ang talakayan para sa ASEAN Customs Declaration Document (ACDD).
Giit ni Geronimo, malaking bentahe ang ACDD sa kampanya ng mga Asyanong bansa laban sa mga iligal na kargamento, lalo pa’t kalakip aniya ng naturang sistema ang napapanahong palitan ng export declaration information sa pagpapaigting ng risk management activities.
Paniwala ng BOC, malaki ang mababawas sa Customs clearance time para sa mga consignment kung ang mga counterpart agencies ng iba’t ibang bansa ay nakikiisa sa ACDD gamit ang ASEAN Single Window System.
Sa datos ng kawanihan, matagumpay na nasawata ang mga tangkang pagpuslit ng kargamento sa bansa gamit ang makabagong paraan ng ugnayan at sistemang umiiral sa Pilipinas at mga karatig bansang Cambodia, Malaysia, Myanmar, Singapore at Thailand.
“Optimizing the management of trade facilitation activities has been a major key component in the BOC’s goal to achieve full economic and trade visibility and cross-border cooperation within the region. We hope to fully implement the electronic exchange of the ACDD, conduct follow-up consultation with our stakeholders and officially launch the ACDD Portal in April 2022”, ani BOC Deputy Commissioner Geronimo. (JO CALIM)
231 