‘Di tumugon sa imbitasyon ng pulisya JOURNALIST SA BAGUIO, PINAULANAN NG BALA

HINILING ng mga militanteng mambabatas sa House Committee on Human Rights na imbestigahan ang tangkang pagpatay umano sa isang mamamahayag sa Baguio City na hindi tumugon sa imbitasyon ng pulisya.

 

Sa House Resolution (HR) 2510 na inakda ng mga kinatawan ng Bayan Muna, iginiit ng mga ito na imbestigahan ang tangkang pagpatay sa presidente ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC) na si Aldwin Quitasol.

 

Base sa impormasyong nakarating sa grupo ng mga mambabatas, naglalakad si Quitasol kasama ang kanyang asawa na si Kimberlie sa Barangay Quezon Hill nang makarinig ang mga ito ng putok ng baril.

 

“Upon hearing the shot, Quitasol was able to drop flat on the ground to avoid getting hit while his wife, Kimberlie Quitasol, saw two men sped off riding a motorcycle,” ayon sa resolusyon.

 

Wala umanong natatanggap na death threat si Quitasol subalit bago ang insidente ay inimbitahan umano ito ng pulisya para sa isang dialogue para sa anti-insurgency campaign sa Cordillera.

 

Layon umano ng dialogue na hingin ang tulong ng mga aktibista sa Cordillera, mga mamamahayag at mga empleyado ng gobyerno na pinagsususpetsahang nakikisimpatiya sa mga rebeldeng komunista.

 

Gayunpaman, hindi umano tumugon si Quitasol sa nasabing imbitasyon ng pulisya, gayundin ang mga aktibista at mga empleyado ng gobyerno.

 

“These acts of harassment, abuse and violence executed and perpetuated by our own law enforcement agencies towards activists, journalists and Filipino citizens who voice their dissent over state affairs should be condemned and prosecuted for violating every Filipino citizen’s right to life and right to freedom of expression,” ayon pa sa resolusyon. (BERNARD TAGUINOD)

219

Related posts

Leave a Comment