P1.088-B SHABU NASABAT NG PDEA SA VALENZUELA

TINATAYANG mahigit isang bilyong pisong halaga ng umano’y shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang drug suspects, kabilang ang isang Chinese national, sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City noong Martes ng hapon.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Wilkins Villanueva ang arestadong mga suspek na sina Tianzhul Yu ng Fujian, China, at Meliza Villanueva ng Concepcion, Tarlac.

Ayon kay Dir. Gen. Villanueva, dakong alas-3:30 ng hapon nang isagawa ng pinagsamang mga tauhan ng PDEA Intelligence Service (PDEA-IS), PDEA Regional Office – National Capital Region (PDEA RO-NCR), PDEA Regional Office -3 (PDEA RO-3) PDEA Special Enforcement (SES), Armed Forces Of the Philippines, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Bureau of Customs (BOC), PNP PDEG IFLD, PNP RO3, Valenzuela Police Station, at Valenzuela ALERT Center ang buy-bust operation sa J.P. Rizal St., Arty Subdivision, Brgy. Karuhatan na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang tinatayang 160 kilograms ng hinihinalang shabu na P1.088 bilyon ang halaga, buy-bust money at tatlong mobile phones.

Ani Villanueva, ang lugar na iyon ang posibleng source ng mga nahuhuli nila nitong mga nakaraang araw sa Cavite, Bulacan, Cebu at Escalante City, Negros Occidental.

Bahagi ito ng transnational drug syndicate na tinatawag na “The Company,” ani Villanueva. “The company is operating in Southeast Asia and ang source nito ay galing sa Golden Triangle,” dagdag niya.

Sa kabuuan, umaabot sa 231.2 kilograms ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P1.57 bilyon ang halaga ang nasamsam sa naturang mga anti-drug operation.

Kakasuhan ang naarestong mga suspek ng paglabag sa Sec. 5 &11 ng Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, pinuri ni Mayor Rex Gatchalian ang PDEA sa kanilang matagumpay na drug buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa Chinese national na nagdala ng ilegal na droga sa lungsod.

“The city government of Valenzuela has assured that its drive against prohibited drugs will continue and maintain its close coordination with the Valenzuela police and authorities” ani Mayor Gatchalian.

(FRANCIS SORIANO)

331

Related posts

Leave a Comment