KALIHIM BINUWELTAHAN, IDINEMANDA NG LIBELO

PATONG-PATONG na kasong kriminal at administratibo ang inihain sa husgado laban sa isang Kalihim kaugnay ng diumano’y paninirang-puring inilathala pa sa social media.

Sa reklamong inihain ni dating Manila Times reporter Jaime Aquino sa Office of the Ombudsman sa Quezon City, pinaratangan umano siya ni Cagayan Economic Zone Authority Chairman Atty. Raul Lambino ng pagtanggap ng tumataginting na P30 milyong suhol mula sa kalabang pulitiko ng sinampahan ng kaso (Lambino).

Bukod sa naturang Kalihim, pasok din sa demanda ang kabiyak nitong si Mangaldan, Pangasinan Mayor Mary Marilyn Lambino.

Ayon kay Aquino, Pebrero 2 ng taong kasalukuyan nang lumabas sa Facebook account ni Sec. Lambino ang isang larawan ng salaping diumano’y tinanggap niya mula sa karibal sa alkaldeng asawa ng Kalihim.

Diin pa ni Aquino, ang naturang paratang ay sadyang inilabas lamang ng mag-asawang opisyal ng gobyerno sa hangaring tabunan ang isyu kaugnay ng kasong Serious Physical Injuries paglabag sa Republic Act 7610 (Child Abuse Law) na isinampa ng dating kasambahay na lumapit sa kanya para idulog ang umano’y pagmamaltrato ng amo.

Kabilang sa mga inihaing kaso ni Aquino (ngayon ay publisher ng Northern Star) laban sa CEZA Chairman at asawang si Mayor Lambino ang kasong “libel, in relation to Republic Act 10175” (Cybercrime Prevention Act of 2012), paglabag ng RA 10173 (Data Privacy Act) ang iba pang kasong administratibo. (RENE CRISOSTOMO)

198

Related posts

Leave a Comment